Filtered By: Topstories
News

‘Earth Hour,’ suportado ng Malacanang, Simbahan Katoliko


MANILA – Suportado ng Malacanang at Simbahang Katoliko ang kampanya para sa pangangalagay sa kalikasan na Earth Hour 2011 sa Sabado (Marso 26), kunsaan kailangang patayin sa loob ng isang oras ang mga ilaw. Sa ipinalabas na memorandum order ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., inatasan nito ang lahat ng pinuno ng ahensiya ng pamahalaan, kabilang na ang government-owned and -controlled corporations (GOCCs), government financial institutions (GFIs), at local government units (LGUs), sa buong bansa makiisa sa ika-apat na taong paggunita ng Earth Hour. Ang mga susuporta sa Earth Hour ay kailangan magpatay ng ilaw sa kanilang mga bahay, establisimyento o opisina sa loob ng isang oras simula 8:30 p.m. sa Sabado. Sinabi ni Ochoa na mahalaga ang papel ng mga ahensiya ng pamahalaan para makatulungan sa pandaigdigang kampanya sa pangangalaga sa kalikasan katulad ng paglaban sa global warming. “Everybody is urged to make this campaign a success, as we intend to make this campaign advance beyond the mere switching off of lights," pahayag ni Ochoa. Samantala, isasagawa naman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines(CBCP) at Radio Veritas ng “Banal na Oras para sa Inang Kalikasan" pagsapit ng 8:30 p.m. Kasama umano sa pakikiisa ng Simbahang Katoliko sa Earth Hour ang “prayer service" na pangungunahan ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales at mga obispo ng iba’t-ibang Diocese sa buong Pilipinas. Bukod sa pangangalaga sa kalikasan, sinabi ni Rosales na ang Earth Hour ay magsisilbing oras ng pagninilay sa mga mamamayan. - GMA News