Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Ervic Vijandre admits breakup with ex-Sexbomb member Aifah Medina


Ang Captain Barbell ang kauna-unahang regular show ng model turned TV actor na si Ervic Vijandre pagkatapos niyang sumali sa reality show ng GMA-7 na Survivor Philippines Celebrity Showdown. Dito unang natunghayan ng publiko si Ervic, pero naging matunog ang pangalan niya dahil ex-girlfriend niya si Marian Rivera. Nitong mga nakaraang buwan, nabalita ang pagkakaroon nila ng relasyon ng dating SexBomb girl na si Aifah Medina. Pero ang latest ay nagkahiwalay na sila ng dancer. Kinumpirma naman ito ni Ervic nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa press screening at presscon ng Captain Barbell noong Huwebes, March 24. "I'm single," sambit ng model turned actor. Pero umiwas si Ervic na magsalita tungkol sa rason ng kanilang hiwalayan ni Aifah. Aniya lang, "Mas okey kami na magkaibigan. Pero we still hang out. Mas okey kami na magkaibigan lang." Tumanggi ring magdetalye si Ervic sa tagal ng kanilang pagsasama ni Aifah bilang magkasintahan. "Ilang months din kaming nag-date, exclusively dating. Parang gano'n na rin, pero hindi talaga official na ano... Wala kaming date na ano. Pero siya lang ang dini-date ko no'ng mga times na yun," pahayag niya. Pahapyaw na inamin ni Ervic na ang kawalan nila ng panahon sa isa't isa ni Aifah ang isa sa mga rason ng kanilang breakup. "Parang gano'n na rin. Medyo hindi kami gano'n kaparehas ng interes," sabi niya. Wala raw kinalaman ang pagiging dancer ni Aifah sa mga rason ng kanilang hiwalayan, ayon pa rin kay Ervic. "Ay, hindi. Walang problema doon. Sobrang...hindi ko nga siya nakitang sumayaw. Sayang hindi ko siya naabutan no'ng SexBomb pa siya." JOINING SHOWBIZ. Base sa trailer ng Captain Barbell, parang natural na lang kay Ervic ang pag-arte. Kinagigiliwan rin siya ng kanyang mga kasama sa cast, pati ang bidang si Richard Gutierrez. Kahit mismo si Ervic ay hindi makapaniwala sa mundong pinasok niya ngayon. "Hindi, hindi," sambit niya. "Hindi ko inisip na mangyayari ito sa akin. Actually, after Survivor, hindi ko nga... Actually, marami ang nagsasabi nga sa akin na eto na nga yung para mag-artista. "Sabi ko, never akong umarte, never akong sumayaw. Never akong nag-join sa kahit na anong ano sa school. So, parang, 'Ano yun? Magmumukha lang akong tanga?' "E, since na-try ko, trinay ko, nag-enjoy ako. Eto, parang barkada lang kami sa set. Parang family na 'eto ang gagawin mo, sobrang inalagaan nila ako. Yung mga staff, 'O, ganito lang 'yan, ganyan.' Sobrang parang spoon-feed lang sa akin lahat na inaalagaan ka. "So, parang nag-e-enjoy ako na gusto kong i-return yung ibinigay nilang effort sa pagtulong sa akin," saad niya. Wala raw talagang ideya na papasukin ni Ervic ang showbiz. "Kasi no'ng time na yun, basketball lang ako. Saka no'ng time na hindi pa ako nagsu-Survivor, ano lang ako, basketball lang ako." Ipinaalala namin kay Ervic na noong una namin siyang makilala at ma-interview sa isang fashion show sa Quezon City, kung saan isa siya sa models, sinabi niyang kung may acting opportunity na lalapit sa kanya ay willing siyang subukan ito. - Rey Pumaloy, PEP