Filtered By: Topstories
News

Ethics case kailangang harapin ni Lacson, ayon kay Cayetano


MANILA – Bilang dating pinuno ng Senate ethics committee, sinabi ni Senate Minority leader Sen Alan Peter Cayetano na batid ni Sen Panfilo Lacson na kailangan umusad ang reklamo na isinampa ng isang anti-crime group laban sa huli. “I assure Senator Lacson of fairness in the ethics committee. Alam naman niyang kailangan i-dispose ito dahil dati naman siyang chairman (ng komite). But the committee is not after getting anyone, it is just making sure that there is a system of accountability sa Senado," paliwanag ni Cayetano, chairman na ngayon ng naturang komite. Si Lacson ang namuno sa Ethics committee noong nakaraang Kongreso kung saan isinalang sa imbestigasyon si Sen Manny Villar, kaugnay sa inihaing reklamo ni dating Sen Jamby Madrigal tungkol kontrobersiyal na C-5 road extension project. Nakatakdang imbetigahan ng komite ni Cayetano si Lacson base sa reklamong inihain ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC). Iginiit ng grupo na dapat parusahan si Lacson dahil sa pagliban nito sa kanyang tungkulin bilang mambabatas mula nang magtago noong Enero 2010 para makaiwas sa arrest warrant. Ang arrest warrant ay ipinalabas ng Manila court laban kay Lacson kaugnay sa pagkamatay nina Salvador Dacer at Emmanuel Corbito. Pero binawi ng Court of Appeals ang naturang arrest warrant, dahilan para lumantad na ang senador. Sinabi ni Cayetano na ang pagdinig sa reklamo laban kay Lacson ay pagpapatunay na walang kinikilingan ang kapulungan sa pagpapairal ng batas. Ngunit bago dinggin ang kaso ni Lacson, kailangan munang pagtibayin ng komite ang gagamiting Rules of Procedures sa pagdinig, ayon sa lider ng minorya. “I haven’t read the allegations [sa kaso ni Lacson] because we want to pass the rules first pero ‘di ito maapektuhan nung desisyon ng CA. Pero habang nandito na [si Lacson] ay siyempre kailangan naman natin [siyang] bigyan ng oras sa kanyang pamilya and to get back to work also sa kanyang staff," ayon kay Cayetano. Idinagdag ng senador na magiging basehan ng mamamayan sa paghusga sa kanilang mambabatas ang ipapanukalang Code of Ethics sa Senado hinggil sa pagtupad ng tungkulin at responsibildad ng bawat senador. “Ang naging difficulty noong araw sa mga ethics cases ay ‘di malaman ng mga mamamayan kung ano ba ang paningin ng mga senador at congressman na ethical at unethical. So ang aking isang proposal pagbalik sa Mayo ay maglatag ng isang Code of Ethics para sa Senado," mungkahi niya. - GMA News