Filtered By: Topstories
News

Demanda vs Arroyo, binalewala ng tagapagsalita ng dating pangulo


MANILA – Tinawag na panggigipit lamang ang P15-milyon civil suit na inihain ng anim na miyembro ng tinatawag na “Morong 43," laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Sa text message na ipinadala sa media nitong Martes, kumpiyansa si Len Bautista-Horn, tagapagsalita at chief of staff ni Arroyo, na ibabasura lang ang kasong inihain laban sa dating pangulo na nagdiwang ng kanyang ika-64 taong kaarawan nitong Martes. “It is really baseless and just a harassment case," pahayag ni Bautista-Horn, sabay sabing magbibigay siya ng mas mahabang komento kapag natanggap na ang buong kopya ng reklamo na inihain laban kay Arroyo. (Basahin: Six of Morong 43 sue Arroyo, AFP officials for 'torture') Bukod kay Arroyo, 10 iba pa ang kasamang kinasuhan dahil sa umano’y ilegal na pagdakip at pag-torture sa 43 health workers na hinuli ng militar at inakusahang miyembro ng rebeldeng komunista. Ang reklamo ay isinampa nina Dr. Merry Mia Clamor, Dr. Alexis Montes, nurse Gary Liberal, Ma. Teresa Quinawayan, Reynaldo Macabenta at Mercy Castro. Sa hiwalay na text message, nanindigan naman si Ang Galing Pinoy party-list Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo, na walang kasalanan at mahusay na pangulo ang kanyang inang si Arroyo. “When the dust is cleared, they will realize that she is a good President," ayon sa nakababatang Arroyo. Ang tinaguriang Morong 43 ay dinakip sa isang raid noong Pebrero 2010 sa Morong, Rizal. Nakalaya sila bago matapos ang Disyembre matapos iutos ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa militar na iurong ang demanda laban sa mga inakusahang rebelde. - GMA News