Filtered By: Showbiz
Showbiz

Naked Geneva Cruz on latest PETA ‘Go Vegan’ ad


Geneva Cruz
Muling nagpakita ng seksing katawan ang singer-actress na si Geneva Cruz para suportahan ang kampanya ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia, na naghihikayat sa publiko na kumain ng gulay sa halip na karne ng hayop. Sa bagong campaign ad ng PETA, makikita si Geneva na may bitbit na bugkos ng kamatis na nakatakip sa kanyang dibdib. Sa pahayag ng PETA nitong Martes, sinabing ang naturang campaign ad ay inilunsad kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ng mang-aawit nitong Sabado. Huminto umano si Geneva sa pagkain ng karne at isda sa edad na 15. “Para sa akin, ang pagiging ‘vegan’ (vegetarian) ay hindi tungkol sa diyeta. Ito ay ang pagmamahal ko sa lahat ng mga nilikha," paliwanag ng singer-actress sa naturang pahayag. Idinagdag niya na maliban sa pagligtas sa buhay at pagtigil sa kalupitan sa mga hayop, malaki umano ang nakukuhang benepisyo sa kalusugan ng ‘vegan diet.’ Sinasabing ang pagkain ng karne ng hayop ay iniuugnay sa iba’t ibang nakamamatay na sakit tulad ng sakit sa puso at kanser, pati na ang multiple sclerosis at osteoporosis, at iba pa. May epekto rin umano sa climate change ang pagpaparami ng hayop para masuportahan lamang ang pagkonsumo ng tao sa karne nito. Sinabi sa pahayag ng PETA na may ulat mula sa United Nations na nagsasaad na ang paglipat tungo sa ‘vegan diet’ ay kinakailangan upang labanan ang masamang epekto ng climate change. Ang pagpapastol umano ng mga hayop ay responsable sa pagkapinsala sa mga lupain. Sinisira rin umano ng mga hayop ang mga halaman sa lupa, at ang pinsala ay humahantong pagkakaroon ng disyerto.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Idinagdag pa na ang mga kagubatan sa China at South America ay nasisira para bigyang daan ang pagpapastol o pagpapalaki ng mga hayop para gawing pagkain, patuloy ng PETA. Batid umano ni Geneva na ang pagiging ‘vegan’ ang pinakamahusay at pinakasimpleng paraan na magagawa ng tao para sa mga hayop, sa kapaligiran, at para sa kalusugan," ayon kay Jason Baker, direktor ng PETA Asia. Ilan pa sa mga celebrities na tumigil na rin umano sa pagkain ng karne ng hayop at maging isda, ay sina Alicia Meyer, Pamela Anderson, Natalie Portman, Sir Paul McCartney, Maggie Q, at Barbie Hsu.- FRJ, GMA News