Filtered By: Topstories
News

Sa Ethics case: Ping idinepensa ni Trillanes


MALOLOS CITY — Ipinagtanggol ni Senador Antonio Trillanes si Senador Panfilo Lacson kaugnay sa kinakaharap nitong reklamo sa Senate Ethics Committee. “I think it’s unfair to subject him to a complaint in the Senate Ethics Committee," pahayag ni Trillanes nang makausap ng media matapos maging panauhing pandangal sa pagtatapos ng mga mag-aaral sa College of Engineering sa Bulacan State University nitong Lunes. Inaasahang masisimulan ng ethics committee na pinamumunuan ni Senate minority leader Sen Alan Peter Cayetano, ang pagdinig sa reklamo laban kay Lacson kapag nagbukas na ang sesyon ng Kongreso sa Mayo 9. Ang reklamo laban kay Lacson ay inihain ng isang anti-crime group dahil sa hindi pagdalo ng senador sa sesyon ng kapulungan mula nang magtago ito noong Enero 2010. Lumantad lamang si Lacson noong nakaraang buwan matapos ibasura ng Court of Appeals ang arrest warrant na inihain laban sa kanya ng Manila court, at inabsuwelto sa kasong pagpatay kina Salvador Dacer at Emmanuel Corbito. Ayon kay Trillanes, ang publiko ang hahatol sa pananagutan ng mga senador dahil ang mamamayan ang maghahalal sa kanilang mga mambabatas. “I think it’s very subjective when it comes to the performance of a person," pahayag ni Trillanes na nagpaliwanag na maaaring pumapasok sa opisina ang isang senador ngunit wala namang nagagawa. Samantala, isusulong naman ni Trillanes ang panukalang batas na bigyan ng fixed term ng tatlong taon ang itinatalagang Chief of Staff sa Armed Forces of the Philippines. Layunin umano ng panukala na mapigil ang kurapsyon sa militar katulad ng alegasyon ng katiwalian sa mga dating comptroller ng AFP na sina ex-Gens Carlos Garcia at Jacinto Lingot. Paniwala ni Trillanes, kung hindi nakapako ang termino ng pinuno ng AFP, walang iisipin ang sinumang kandidato sa nasabing posisyon kundi ang makuha ang naturang puwesto, sa halip na magsulong ng mga reporma. – GMA News