Filtered By: Topstories
News

Napadpad na dolphin sa Agno river, namatay


BALITANG AMIANAN – Isang dolphin na natagpuang sugatan ng mga mangingisda sa bahagi ng Agno river sa Lingayen, Pangasinan nitong Miyerkules ng umaga ang nasawi. Buhay pa umano ang Bottlenose Dolphin nang makita ng mga mangingisda sa bahagi ng Brgy Bantayan sa Lingayen, kaya itinabi muna nila ito sa mababaw na tubig habang hinihintay ang pagdating ng tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Ngunit sa tindi marahil ng mga sugat ay hindi na nahintay ng hayop ang mga tauhan ng BFAR at binawian ito ng buhay. Ayon sa kinatawan ng BFAR, maaaring matagal na umanong umaali-aligid ang dolphin sa dagat, at napadpad lang sa ilog. Hinihinala ni Efren De Vera, ng BFAR Region 1, na ang mga tinamong sugat ng dolphin ay nakuha nito sa pagsadsad sa matutulis na bagay. Hindi rin inaalis ni De Vera ang posibilidad na naapektuhan ng dynamite fishing ang hayop. Ikinalungkot naman ng mga residente ang pagkamatay ng dolphin at wala raw silang balak na kainin ang hayop. “Masakit sa kalooban, gusto sana naming mabuhay. Wala naman (kaming) magawa, maraming sugat eh," ayon kay Narding Sison. Napuna naman umano ni Roberto Sison, punong barangay, na may sugat ang dolphin na maaaring natamo nito sa ilegal na paraan ng pangingisda o pagdidinamita. - Balitang Amianan
Tags: dolphin
LOADING CONTENT