Filtered By: Topstories
News

Pagdami ng nagugutom sa survey ng SWS, ikinagulat ni PNoy


MANILA – Naniniwala si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na hindi naisama sa mga tinanong ng Social Weather Station (SWS) ang mga taong nakinabang sa conditional cash transfer (CCT) program, matapos lumitaw sa survey na dumami ang mga nagugutom sa bansa. Sa panayam ng media nitong Biyernes, sinabi ni Aquino na hindi nagtutugma ang resulta ng SWS survey, sa isinumiteng report sa kanya ng mga kasapi ng Gabinete at business community tungkol sa programa kontra sa kahirapan. “Tinanong ko rin kay (Social Welfare) Secretary Dinky Soliman bakit nga ba ganito kasi pati sa DOLE (Labor department) ipinapakita sa atin ang numero ng mga nadagdagan ng trabaho, ang report ng business community sa atin yung actual na trabahong ipinagkaloob nila. Minsan hindi ko rin mareconcile ‘yan," ayon sa pangulo. Hinihinala niya na malaking bahagi ng mga tinanong sa survey ay nagmula sa Metro Manila at Luzon kaya hindi nagkatugma ang mga datos. Karamihan umano sa mga nakinabang sa CCT program ay nagmula sa Visayas at Mindanao. “Yung CCT unfortunately, yung 400,000 na idinagdag sa program, bulk nun ay sa Visayas at Mindanao. So nagkataon sa statistical sample na ginamit, e hindi nacapture yung natulungan nang CCT," paniwala ni Aquino. 4.1 milyon pamilya ang nagugutom Sa survey na ginawa ng SWS noong Marso 4-7, lumitaw na 20.5 porsiyento ng mga tinanong o tinatayang 4.1 milyong pamilya ang nakararanas ng gutom, at dumami rin ang nagsasabing humirap ang kanilang buhay. "This was up from the 18.1 percent (tinatayang 3.4 milyon pamilya) recorded in November 2010 when the rate again began climbing from that year’s 15.9 percent low," ayon sa survey ng SWS. Lumitaw din sa survey na 51 porsiyento o tinatayang 10.4 milyong pamilya ang ikinukonsidera ang sarili nila na "mahirap"– mas mataas ng dalawang puntos noong Nobyembre. Tumaas umano ang listahan ng overall hunger dahil sa pagtaas din ng moderate at severe hunger, ayon sa SWS. Pinakamatinding tinamaan umano ng gutom ay nasa Luzon (hindi kasama ang Metro Manila) na may 25 porsiyento mula sa dating 18.3 porsiyento. Bumaba naman ang insidente ng gutom Mindanao (16.7 porsiyento mula sa 18 ), Metro Manila (20.7 porsiyento mula 21.7) at Visayas (14.7 porsiyento mula sa 15.3). Ipinaliwanag ni Aquino na inunang pagkalooban ng CCT program ang nasa Visayas at Mindanao dahil dito mataas ang antas ng kahirapan noong nakaraang taon. “Pag gagawa ka ng survey sinama mo yung Luzon na hindi nasama dun sa majority na nabenipisyuhan, paano lalabas na umasenso sila. We believe the CCT program has been helping but yung poverty level natin dito, there are 4.6 m families below poverty line and bulk of the population is in Luzon," paliwanag ng pangulo. – GMA News