Filtered By: Topstories
News

Aquino binalaan sa pagsasapribado ng ilang kumpanya ng govt


Nagbabala ang isang senador na hindi na mapoprotektahan ng pamahalaan ang publiko sa power rate at fare hikes kapag itinuloy ang planong isapribado ang power sector at mass transport system na pinapangasiwaan ng gobyerno. Inihayag ito ni Senador Juan Miguel Zubiri nang makapanayam ng media makaraang maging panauhing pandangal sa graduation ceremony ng Collegio de Calumpit nitong Huwebes ng gabi sa lalawigan ng Bulacan. Tinawag ng senador na maling hakbang ang gagawin ng gobyernong Aquino kapag isinapribado ang mga kumpanya na nagsisilbi sa publiko tulad ng National Power Corporation (Napocor), Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT). Ayon kay Zubiri, hindi katwiran na nalulugi ang mga naturang kumpanya para ibente ito at ipaubaya sa pribadong sektor ang pamamahala. Aniya, bahagi ng responsibilidad ng pamahalaan ang malugi para sa kapakinabangan ng publiko. “I am always opposed to privatization of state owned assets especially on the power sector and the mass transport system," deklara ng mambabatas, sabay diin na tuluyang mawawalan ng kontrol ang pamahalaan sa magiging singil sa kuryente at pamasahe kung ipapaubaya na ang mga ito pribadong kumpanya. “Mawawalan tayo ng kontrol sa presyo ng kuryente sa merkado, we’ll have a big problem there, because once it is privatize, we will have no say, no control, no power whatsoever to impose in bringing down price of electricity," babala niya. Sinabi ni Zubiri na mula nang mapagtibay ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 ay nagtuloy-tuloy na ang pagtaas ng presyo ng kuryente na nagiging pabigat umano sa mamamayan. Nauna nang inihayag ng pamahalaan ang planong isapribado ang operasyon ng MRT at LRT dahil sa pagkalugi dahil sa ibinibigay na subsidiya sa mga pasahero. “The government has to accept that there should be subsidy, its natural, its mandatory for the government to shoulder expenditures," pahayag niya. Ayon kay Zubiri, ang hakbang ng pamahalaang Aquino ay taliwas sa ginagawa ng mga mas mauunlad na bansa sa Asya katulad ng Singapore, Japan, Korea, Thailand, Indonesia, Malaysia at pati na sa Hongkong, na pinapanatili sa kanilang gobyerno ang pamamahala sa kanilang rail system. Posible umanong pumalo sa 50 hanggang 100 porsyento ang itataas ng pamasahe sa MRT at LRT kapag isapribado na ang mga ito. Bukod kay Zubiri, nagpahayag din ng pagtutol ang ilang senador sa planong pagsapribado ng MRT at LRT, kabilang si Sen Manny Villar. - GMA News