Filtered By: Topstories
News

Pulso ng publiko sa paglilibing kay Marcos hiniling ni Binay


MANILA – Nais ni Vice President Jejomar Binay na makuha ang pananaw ng publiko tungkol sa usapin na payagang maihimlay ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr sa Libingan ng mga Bayani. Nitong Biyernes, hinikayat ng pangalawang pangulo ang publiko na mag-e-mail o mag-text ng kanilang opinyon kung dapat o hindi dapat pagbigyan ang kahilingan ng mga Marcos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating diktador. Sinabi ni Binay na maaaring magpadala ng kanilang opinyon ang publiko via e-mail sa blog@ovp.gov.ph o pag-text sa 0926-7468212 (Globe) at 0949-6295575 (Smart). "We will act based on the result of the public opinion," ayon sa ipinalabas na pahayag ng tanggapan ni Binay. Si Binay ang inatasan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na magsagawa ng pag-aaral at rekomendasyon kung dapat mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Napatalsik sa Malacanang si Marcos noong 1986 EDSA 1 People Power revolution, at pumanaw habang naka-exile sa Hawaii noong 1989. Nang iuwi sa Pilipinas ang kanyang mga labi, inilagay ito sa mausoleum sa Batac, Ilocos Norte. Matagal nang hinihiling ng pamilya Marcos na mailibing ang dating diktador sa Libingan ng mga Bayani kunsaan inihihimlay ang mga bayani, dating pangulo, dignitaryo at mga sundalo. Samantala, inayunan ni Binay ang mungkahi ni Atty. Aquilino "Koko" Pimentel III, presidente ng PDP-Laban, na magsagawa ng debate tungkol sa naturang usapin. "Let there be a debate. We will not preclude anyone or anybody. At the end of the day, we will have to make a decision," ayon sa pangalawang pinakamataas na lider sa bansa. Una rito, pinadalhan ni Binay ng sulat ang mga partidong politikal na nakarehistro sa Commission on Elections at mga non-government organizations upang makuha rin ang kanilang pananaw. "The best option that this administration should take with regard to the question on (the Marcos burial issue), I have decided to undertake wide multi-sectoral consultations with our people on the matter," paliwanag niya. Ipadadala umano ni Binay kay Aquino ang kanyang rekomendasyon kapag nakumpleto na niya ang isinasagawang konsultasyon. Gayunman, sinabi ni Binay na hindi niya aapurahin ang pagbuo ng rekomendasyon dahil nais niyang makakuha ng mas maraming opinyon tungkol sa naturang usapin. Mahigit 200 kongresista na ang pumirma sa isang resolusyon sa Kamara de Representantes na humihiling kay Aquino na payagan ang paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ang naturang resolusyon ay iniakda ni Sorsogon Rep Salvador Escudero III, dating kalihim ni Marcos, at ama ni Sen Francis Escudero. - GMA News