Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ogie and Regine’s 'Celebrity Ukay-Ukay' project a success


Kumbaga sa pelikula, blockbuster ang unang araw ng Celebrity Ukay-Ukay project ng mag-asawang Regine Velasquez at Ogie Alcasid na sinimulan nitong Biyernes sa World Trade Center sa Pasay. Unang araw pa lang ng ukay-ukay, naubos na ang mga paninda na donasyong gamit ng mga artista, ayon sa ulat ni entertainment reporter Aubrey Carampel. Bagaman 11:00 am ang itinakdang pagbubukas ng Summer Hit Wave Bazaar na kinatatampukan ng mahigit 200 booth – kasama ang Celebrity Ukay-ukay – pero alas 7: 00 am pa lamang umano ay marami ng tao ang nakapili sa labas ng WTC. Ang ibang mamimili ay nagmula pa sa lalawigan tulad ng Pangasinan at Bulacan sa pag-asang makakabili sila ng mga gamit ng paborito nilang artista tulad ng damit at mga accessories. Ang malilikom na pondo na pinagbentahan sa ukay-ukay ay mapupunta naman sa school development project ng GMA Kapuso foundation.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Hindi naming akalain na dadagsain ng mga tao na ganito. Alam mo on one hand nakakatuwa na ang daming tumangkilik sa proyektong ito, on the other hand talaga namang I have to admit na we are not prepared for such an avalanche of people," pahayag ni GMA news anchor Mel Tiangco, sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Biyernes. Labis din ang tuwa ni Ogie sa naging tagumpay ng ukay-ukay project nila ni Regine. Umaasa siyang mabibisita niya ang paaralang magiging benipisaryo ng pondong malilikom sa kanilang paninda. “Kami pong mag-asawa ay sobrang tuwang-tuwa sa dami ng taong nagpunta ngayong umaga. Hindi po naming inakala na ang daming naging excited. At the same time kami ay humihingi ng paumanhin doon sa mga naubusan ng item at nagkaroon ng konting aberya," ayon kay Ogie. Sa dami kasi ng tao, hindi naiwasan magkaroon ng tulakan sa pagpasok sa WTC. May ilang mamimili ang madapa at madaganan pero wala namang seryosong nasaktan. Humingi rin ng paumanhin ang organizer ng bazaar sa aberya dahil hindi umano nila inaasahan ang sobrang dami ng mga tao. Bagaman naubos na ang paninda sa ukay-ukay, tuloy pa rin ang auction sa iba pang gamit ng mga celebrity sa Sabado at Linggo. Kabilang sa mga ipasusubasta ay ang mga painting nina Cesar Montano at Direk Louie Ignacio. Ang Celebrity Ukay-Ukay ay isa lamang sa mahigit 200 booth sa Summer Hit Wave bazaar. Bukas ito sa mga mamimili mula 11:00 am hanggang 9:00 p.m. sa WTC sa Pasay, at tatagal hanggang sa Linggo. - FRJimenez, GMA News