Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pananaksak, nailarawan na ni Pilar Pilapil


MANILA – Maitim, malaki ang katawan, nasa pagitan ng 20 hanggang 30 ang edad, at tinatayang may taas na 5’8." Ganito inilarawan ng aktres na si Pilar Pilapil ang isa sa dalawang suspek na nagtangkang pumatay sa kanya. Sa ulat ni GMA News reporter Lia Manalac sa 24 Oras nitong Sabado, maayos na umano ang kalagayan ni Pilapil kaya nagawa na nitong maikuwento sa mga pulis ang sinapit niya noong Huwebes sa kamay ng mga hinihinalang carjacker. Gayunman, hindi pa rin natatagpuan ang kasama ni Pilapil sa tinangay na sasakyan na si Rossel Rossalem, na pamangkin ng kanyang asawa. Naging emosyunal umano ang aktres at dating beauty nang ikuwento sa mga imbestigador ang mga pangyayari.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon kay Police Sr Supt Joel Coronel, nagpasama umano si Rossalem kay Pilapil nang araw na mangyari ang krimen. Si Rossalem din umano ang nagmamaneho ng tinangay na kotseng Kia. Nilinaw din ng aktres na hindi pa sila nakararating sa Marikina River Bank nang harangin sila ng mga suspek sa FVR road na malapit sa River bank. Isa sa mga suspek ang sinasabing humatak kay Pilapil palabas ng kotse para palipatin siya sa likuran. Sumisigaw at nagbabanta umano ang mga suspek. Para makakuha ng iba pang impormasyon sa kaso, susuriin ng Task Force Pilapil ang mga kuha sa CCTV video ng Metro Manila Development Authority at pamunuan ng Marikina River Bank. Binisita naman sa ospital ni Vice President Jejomar Binay, kasama si CIDG Director Chief Supt Samuel Pagdilao Jr, si Pilapil at tiniyak na gagawin ng pulisya ang lahat para mahuli ang mga salarin. Matatandaan na iniwang duguan ng mga suspek si Pilapil na nagtamo ng mga saksak sa katawan sa madamong bahagi ng Piedra Blanca Homes sa Brgy. San Luis, Antipolo City. - Fidel R Jimenez, GMA News