Filtered By: Topstories
News

Para sa mga bibisitang deboto: Seguridad sa Bulacan, pinaigting


MALOLOS CITY – Iniutos ng gobernador ng Bulacan sa mga opisyal ng pulisya sa lalawigan na tiyaking ligtas ang mga deboto na inaasahang dadagsa sa mga pilgrimage site ngayong Semana Santa. Bilang pagtalima sa direktiba ni Bulacan Gov Wilhelmino Alvarado, sinabi ni Senior Supt. Fernando Mendez, acting provincial police director ng Bulacan, na maglalagay ang pulisya ng mga help desk sa kapitolyo, at sa bawat bayan at mga lungsod. Katuwang ng mga pulis sa pagbibigay ng ayuda sa mga bibisita sa lalawigan ang mga volunteers mula sa iba’t ibang lugar sa Bulacan, at non-government organization. Ang “Lakbay Alalay" SumVac (Summer Vacation) 2011 ay sinimulang ipatupad nitong Abril 18 at magtatapos sa Abril 24. Dalawang help desk din ang matatagpuan sa kapilya ng Sto. Cristo sa Brgy. Kapitangan, Paombong, at ang pambansang dambana ng Divine Mercy sa Marilao. Ang dalawang nabanggit na pilgrimage sites ay dinadayo ng napakaraming deboto tuwing Semana Santa. Sa bakuran ng kapilya sa Kapitangan isinasagawa ang pagpapako sa krus ng mga deboto tuwing Biyernes Santo. Samantala, pinapaniwalaang may milagrong dala para sa mga may sakit ang pagbisita sa dambana ng Divine Mercy. Ang mga help desk ay tinatauhan ng mga kasapi ng Philippine National Red Cross (PNRC), Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Bulacan Rescue, Rescue 117, A.R.R.E.S.T, Kabalikat Civicom, at Bureau of Fire Protection (BFP). Kasama rin ang mga kinatawan ng Provincial Youth, Sports, Employment, Arts, Culture and Tourism Office na namamahagi ng mga information sheet na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa mga simbahan na maaaring puntahan ng mga magbi-Visita Iglesia. Ang mga help desk ay kayang tumugon sa mga emergency at medical cases, patrol assistance, traffic management at communication assistance. - GMA News