Filtered By: Topstories
News

Libro ng mga oil companies dapat ilantad sa publiko – PNoy


MANILA – Iginiit ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na dapat ipakita ng mga kumpanya ng langis ang kanilang financial record sa publiko sa harap ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Kasabay nito, inatasan din ng pangulo ang Department of Energy na gumawa ng mas simpleng paraan upang maipaliwanag sa publiko ang batayan sa pagtatakda ng halaga ng mga produktong petrolyo. "Kung reasonable bakit hindi pwedeng ipakita but more than that we keep on telling the DOE to simplify the process of determining pump prices," paliwanag ni Aquino sa media matapos mag-inspeksiyon sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport nitong Miyerkules. Sinabi ng pangulo na noon pa man ay pabor na siya sa mga kahilingan na buksan ng mga oil company ang kanilang financial record dahil na rin sa mga hinala ng over pricing. Ayon kay Aquino, dapat maipaliwanag sa publiko sa simpleng paraan kung papaano naitatakda ang presyo ng mga produktong petrolyo. "Kailangang isimplify kung paano maintindihan yung proseso ng determination nitong price, mukhng maraming hindi nakaka-gets," aniya. "Lahat ng sektor e kabilang dun sa pagko-compute harap harapan, walang itinatago sa kanila kung paano na-arrive yung pump prices." Pasan na krus Samantala, nanawagan naman si Gabriela Party Rep Luz Ilagan, kay Aquino na irekonsidera ang posisyon sa pagtutol na alisin ang buwis sa mga produktong petrolyo upang maibaba ang halaga nito. “It is an opportune time for President Aquino to reflect on the suffering of the people and the cross that many poor Filipinos bear as a result of his economic policies, “ panawagan ng kongresista. Bukod sa pag-alis ng buwis sa mga produktong petrolyo, nais din ni Ilagan na maaprubahan sa Kongreso ang panukalang batas para pawalang-bisa ang oil deregulation law. “Araw araw nang nagpepenitensya ang mamamayan dahil sa mga batas at patakarang ito. The increasing prices of oil basic commodities have reduced the value workers wages to less than half or 41% of what a family of six actually needs for decent living," ayon sa militanteng kongresista. Kasabay ng pag-alis ng buwis sa mga produktong petrolyo at pagbasura sa oil deregulation law, nais ni Ilagan na suportahan din ni Aquino ang legislated P125 wage hike sa mga manggagawa sa pribadong sektor. - GMA News