Filtered By: Topstories
News

PNoy's Lenten Message


Ngayong Panahon ng Semana Santa, ginugunita natin ang lubos na pag-ibig ng Panginoon nang inialay niya ang buhay ng Kanyang bugtong na anak alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ngayong Mahal na Araw sinasalamin natin ang tunay na diwa ng kadakilaan ni Hesukristo. Pinili Niyang magkatawang-tao at ialay ang sarili Niyang buhay, upang matubos tayo sa kasalanan. Ito ang aral sa atin ng Panginoon: Ang tumbasan ng pagkakawanggawa ang ating mga dasal, at magkusa tayong tumulong sa pagpasan sa krus ng mga nahihirapan nating kapwa. Binibigyang-halaga ng inyong administrasyon ang pagkakataong ipinagkaloob ng taumbayan. Kaya naman, alinsunod sa mga aral ni Hesukristo, nagsasakripisyo ang inyong pamahalaan para maghatid ng makabuluhang pagbabago. Ang pagbuhos ng mga biyaya at mabuting balita sa ating bansa ay patunay na tama ang tinatahak nating landas. Hangga’t pinapantayan natin ng sipag ang ating mga dasal, hangga’t sama-sama tayong pumapasan sa ating bayan, hangga’t nakatuon tayo sa kapakanan ng nakakarami kaysa sarili, wala ni anumang kalbaryo, wala ni sinumang Herodes ang makakapigil sa atin tungo sa pagbabagong inaasam. Isang mapayapa at makabuluhang pagninilaynilay ng Mahal na Araw sa atin pong lahat. (This is the full text of President Benigno Aquino III's Lenten Message in Pilipino, culled from the governement's website.)— JE/VS, GMA News