Filtered By: Topstories
News

Total, sumunod sa Chevron sa oil price rollback


MANILA – Matapos ang Chevron, ang kumpanyang Total naman ang nagbawas sa presyo ng kanilang produktong petrolyo nitong Huwebes. Ito ay sa kabila ng isasagawang imbestigasyon ng Department of Energy kaugnay sa hindi umano tamang oil price hike na ipinatupad noong Martes. Tinapyasan ng Total ng 70 sentimos bawat litro ang presyo ng kanilang regular gasoline, habang 60 sentimos naman bawat litro sa premium gasoline, at 25 sentimos bawat litro ng diesel. Nitong Martes ay nanguna ang Chevron sa pagtaas ng kanilang mga produktong petrolyo, na sinundan ng Total, Shell at PTT. Hindi naman nagtaas ang Petron, Flying V at Eastern Petroleum. Dahil sa naturang price increase, bumuo ng komite ang Department of Energy na magsisiyasat sa umano’y hindi tamang patong sa presyo ng produktong petrolyo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Batay sa komputasyon ng DOE, dapat 39 sentimos bawat litro lang ang idadagdag sa presyo ng gasoline at 16 sentimos sa bawat litro lang sa diesel. Sa sumunod na araw (Miyerkules), binawi ng Chevron ang ipinatupad nilang oil price increase (70 sentimos bawat litro sa gasoline at 25 sentimos bawat litro sa diesel) dahil umano sa "market forces" o kompetisyon sa merkado. Sa kabila ng rollback sinabi ng opisyal ng DOE na tuloy pa rin ang imbestigasyon sa naganap na oil price hike noong Martes. Sakaling mapatunayan na labis ang idinagdag na singil sa mga produktong petrolyo, maaari umanong parusahan ang mga kumpanya ng langis. Inaasahan din ng DOE na magtutuloy-tuloy ang pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo hanggang matapos ang Semana Santa dahil na rin sa pagbaba ng presyo ng langis sa world market. - GMA News
Tags: oilpricehike