Filtered By: Topstories
News

Transnational crime center, ibinalik sa tanggapan ni PNoy


MANILA – Ibinalik ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) sa ilalim ng kanyang pamamahala mula sa Department of the Interior and Local Government. Layunin umano ng ginawang paglilipat sa bisa ng Executive Order 35, na magkaroon ng mas mahusay na koordinasyon sa paglaban sa transnational crimes. “In order to ensure the effective implementation of government efforts in combating transnational crimes, there is an urgent need to return to the Office of the President the direct control and supervision over PCTC," nakasaad sa EO 35. Ang PCTC ay nilikha noong 1999 para bumuo at ipatupad ang mga programa ng lahat ng mga ahensiya ng tagapagpatupad ng batas at intelligence agencies, at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa paglaban sa transnational crimes. Isinailalim ang naturang ahensiya sa Tanggapan ng Pangulo, na pinapangasiwaan naman ng National Police Commission. Ngunit noong 2008, isang kautusan mula sa Malacanang ang ipinalabas para ilipat ang PCTC sa DILG. Layunin din umano ng EO 35 na pag-ibayuhin ang koordinasyon ng lahat ng ahensiya at tanggapan sa pamahalaan para sa mas epektibong paglaban sa organisadong sindikato. Ang paglaban sa transnational crimes ay kabilang umano sa agenda ni Aquino nang bumisita ito sa Indonesia at Singapore kamakailan. “(The government also needs) to link national efforts with international agencies and institutions directly involved in the global campaign against transnational crime," ayon sa EO. Idinagdag naman ni Aquino sa naunang panayam na: “There seems to be migration from their place (Indonesia) to ours and ours to them, so (there has to be a) greater cooperation between the two countries in the fight against global terrorism." — GMA News