Filtered By: Topstories
News

2 babae, 1 OFW: 5 deboto ipinako sa krus sa Bulacan


Sa kabila ng pagtutol ng Simbahang Katoliko sa panata ng ilang deboto na pahirapan ang sarili tuwing Semana Santa, limang katao pa rin – kabilang ang dalawang babae – ang magkakasunod na ipinako sa krus sa Paombong, Bulacan nitong Biyernes Santo.

Si Joey Sacdalan habang ipinapako sa Brgy. Kapitangan, Paombong, Bulacan umaga nitong Biyernes Santo. -- RR,GMA News
Tulad ng mga nakaraang Semana Santa, dinagsa pa rin ng maraming tao ang taunang tradisyon na ginanap sa nabanggit na bayan tuwing umaga ng Biyernes Santo, para saksihan ang pagpapapako sa krus ng mga deboto. Unang ipinako sa krus ang 22-anyos na dalaga na si Wendelyn Pedrosa. Sumunod sina Joey Sacdalan, Precy Valencia, Jojo Pascio at Michael Katigbak. Pinsan ni Pedrosa ang 39-anyos na si Sacdalan, isang overseas Filipino worker sa Japan. Pinakabeterana naman sa grupo sa pagpapapako sa krus ang 50-anyos na mananahi na si Valencia. Napag-alaman din na tanging si Sacdalan ang may kakayahang nagagamot o faith healer. May kanya-kanya umanong panata ang mga nagpapako sa krus na karaniwan ay may kaugnayan sa paghiling para sa kalusugan at kabuhayan ng kani-kanilang pamilya. Muli namang ipinaalala ni Fr Rolando De Leon ng parokya ng Birhen ng Fatima sa Brgy. Lias Marilao, na hindi naaayon turo ng Simbahang Katoliko ang pagpapapako sa krus. - GMA News