Filtered By: Showbiz
Showbiz

Actor AJ Perez, 18, laid to rest in Parañaque City


Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang pumanaw na aktor na si AJ Perez sa Manila Memorial Park sa Parañaque City nitong Martes. Bago ang libing, nabalot nang kalungkutan ang pribadong misa na isinagawa para kay AJ na dinaluhan ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak sa Christ the King Parish sa Quezon City umaga nitong Martes. Naging mahigpit ang seguridad na ipinatupad sa loob at labas ng Manila Memorial Park, ayon sa ulat ni GMA News reporter Julius Segovia sa GMA News TV Balitanghali. Naging madamdamin umano ang pribadong misa na pinangunahan ni Father Carmelo “Tito" Caluag. Sa kanyang homily, sinabi ni Fr Caluag na walang aksidente sa plano ng Diyos. Binigayn-diin niya na ang lahat ng mga nangyayari sa mundo ay nakatadhana. Bagaman mahirap tanggapin ang pagkawala ni AJ, pinayuhan ni Fr Caluag ang pamilya ng aktor na tanggapin ng maluwag ang pangyayari. Makabubuting alalahanin na lamang umano ang mga magagandang kontribusyon na naiwan ni AJ sa pamilya at sa kapwa niya. Si AJ, 18-anyos, ay nasawi sa vehicular accident sa McArthur Highway sa Barangay San Julian sa Tarlac noong April 17.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV PEP: Standing ovation kay AJ Minsan pang nanaig ang nagkakaisang damdamin ng pagmamahal at magandang pag-aalaala para sa namayapang aktor na si AJ Perez—o Antonello Joseph "AJ" Sarte Perez— Lunes ng gabi, April 25, sa huling pagkakatipun-tipon ng kanyang mga mahal sa buhay upang magbigay ng huling pagpupugay sa mahal na yumao. Nasa Christ The King Chapel sa Green Meadows Subdivision, Pasig City, ang pamilya ni AJ—his dad Gerry, mom Marivic, and younger brother Gello Perez—at mga kamag-anak.

Nandun din ang mga kasamahan ng 18-year-old actor sa Kapamilya network, kabilang ang executives ng ABS-CBN network na sina Cory Vidanes, Linggit Tan, Deo Endrinal, adprom manager Roxy Liquigan, director Don Cuaresma (ng teleseryeng Sabel na huling tinampukan ng young actor katambal ang baguhang young actress na si Jessy Mendiola, na dumalo rin sa wake), mga miyembro ng Gigger Boys (kabilang sina Sam Concepcion, Enrique Gil, at Aaron Villaflor). Dumalo rin ang mga kinatawan ng media, kabilang ang PEP (Philippine Entertainment Portal). Ang unang bahagi ng wake kagabi, dakong alas-nuwebe, ay para sa memorial service na inihanda ng buong batch ng La Salle Greenhills High School Batch 2011, na kabilang si AJ bilang alumnus. Kabilang din dito si Steph Ayson, na girlfriend ni AJ sa panahon ng kanyang pagyao. Natapos ang maikling memorial rite bago mag-10:30 ng gabi. Kabilang din sa mga namataan ng PEP sa burol ay ang aktres na si Daria Ramirez, Joseph Marco, Albie Casiño, Dra. Vicki Belo and daughter Cristalle Henares, Duncan Ramos, Sarah Lahbati and Steven Silva (ng Kapuso network), at Bangs Garcia. Bago maghatinggabi ay inaantabayanan ng ABS-CBN News Team ang pagdating ng mga Kapamilya stars na kabilang sa Star Magic, mula sa kanilang US Tour. At lagpas hatinggabi nga ay dumating sina KC Concepcion at Sam Milby, at ang chairman emeritus ng Star Magic na si Johnny Manahan. Samantala, sa entertainment news segment ng Bandila kagabi, naisahimpapawid ang ilang pahayag ng pakikisimpatiya sa mga naulila ni AJ—mula kina Eugene Domingo at John Lapus, na co-stars ni AJ sa tinampukang pelikulang Mamarazzi; kay Fatima Soriano, na unang nabanggit na pag-aalayan ng mga mata ni AJ pero hindi natuloy dahil sa ilang kadahilanan; at Daniel delos Santos, ang batang siyang tatanggap ng isang cornea ng namayapa. Nasa wake din ang batang si Fatima. Ngayong araw, April 26, ang paghahatid kay AJ sa kanyang huling hantungan sa Manila Memorial Park sa Parañaque City. STEPH AYSON. Naabutan ng PEP ang pagsasalita ni Steph Ayson, ang naiwang girlfriend ni AJ Perez. Banayad sa kanyang pagsasalita, pero madamdamin ang kabuuan ng mga naipahayag ni Steph patungkol sa kanyang yumaong kasintahan. Sa ilang anecdotes ni Steph tungkol sa naging relasyon nila ng young actor, masasalamin ang pagiging romantiko at likas na pagkadisente ni AJ bilang mangingibig. "First time I met him was December 17, 2007," recalled Steph. Mapapansing sadyang may kaukulang significance ang numerong '7' at '17' sa buhay at pagkatao ni AJ Perez. Isinilang siya noong February 17, 1993 at namatay dahil sa isang vehicular accident sa Moncada, Tarlac, noong madaling-araw ng April 17, 2011. Patuloy pa ni Steph, noong mga unang araw ng pagkikilala nila ni AJ, "I was planning to look for a group, for a tour...and I had to get him to join the dating game. Pero ang nag-end up, kami yung nag-date. It was actually unexpected. "He asked me to be his girlfriend on February 14 [2008]. Cheesy, but... that's AJ!" pagbanggit pa ni Steph. – FRJimenez, GMA News/ William R. Reyes, PEP