Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pinay singing sensation Charice grateful to Manny Pacquiao


Labis ang pasasalamat ng Pinay international singing sensation at Glee star na si Charice sa pagkakapili sa kanya ng Pinoy boxing hero na si Manny Pacquiao para kumanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa nakatakda nitong laban sa Las Vegas, USA sa May 8. “Thank you sir Manny Pacquiao for choosing me to sing the Philippine National Anthem for you fight. Feel really blessed," pahayag ni Charice sa kanyang Twitter account. (Read: PEP: Charice will sing PHL Anthem at Pacquiao-Mosley fight) Sinabi ni entertainment reporter Lhar Santiago sa kanyang ulat sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, na hindi nahirapan si Sarangani congressman Pacquiao sa pagpili kay Charice. “Si Charice Pempengco gusto niyang kumanta, pagbigyan natin…magaling na singer saka para makilala siya ng buong sambayanang Pilipino at makita ang galing niya sa pagkanta," ayon sa tinaguriang pambansang kamao ng Pilipinas. Gaganapin ang laban nina Pacquiao at Shane Mosley sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada sa May 7 (araw sa US). Mapapanood sa Pilipinas ang naturang laban sa GMA 7 sa Linggo (May 8). Sa pagkakapili kay Charice, tiyak na marami ang mag-aabang sa kanyang magiging rendisyon ng Lupang Hinirang dahil naging kontrobersiyal ang ilan sa mga naunang kumanta nito sa mga nakaraang laban ni Pacquiao. Ang baguhang mang-aawit na si Zyrene Parsad ang pinakahuling kumanta ng Lupang Hinirang sa naging laban ni Pacquiao kontra kay Antonio Margarito noong Nobyembre 2010. Bukod kay Zyrene, ilan pa sa mga mang-aawit na kumanta na rin sa mga nakaraang laban ni Manny ay sina Martin Nievera, Arnel Pineda, La Diva (Jonalyn Viray, Maricris Garcia, at Aicelle Santos), Sarah Geronimo, Lani Misalucha, at Geneva Cruz. Mahigpit ang bilin ng National Historical Institute na dapat sundin ang batas sa pagkanta ng Lupang Hinirang na may two-fourths beat, 100 metronomes, at tatagal lamang ang pag-awit ng 53 segundo. Samantala, naghahanap daw si Charice ng young star na makakasama niya sa music video para sa kanyang upcoming single na “One Day," na gawa ni Nick Jonas ng Jonas Brothers. Sa kasalukuyan ay nasa U.S. si Charice kung saan abala siya sa kanyang international recording career. Muli rin siyang mapapanood sa sikat na show sa Amerika na Glee, kung saan ginagampanan niya ang papel ng Filipino exchange student na si Sunshine Corazon. Sinimulan na rin ni Charice ang shooting para sa Hollywood movie na Here Comes The Boom. - FRJimenez, GMA News