Filtered by: Topstories
News

Kinatay na mga aso, aksidenteng nadiskubre sa loob ng sasakyan


BALITANG AMIANAN – Isang sasakyan na pinahinto para isalang sa smoke emission test sa Baguio City ang nadiskubreng may dalang karne ng aso matapos sumingaw ang mabahong amoy mula rito. Dahil kinakitaan ng maitim na usok ang tambutso ng sasakyan, pinahinto ang puting Toyota Tamaraw FX sa Upper Kennor Road upang isalang sa smoke emission test bilang pagpapatupad sa itinatakda ng Clean Air Act. Ngunit ang simpleng paglabag sa Clean Air Act ay nauwi sa mas malalang kaso matapos madiskubre ang karne ng kinatay na mga aso sa sasakyan na minamaneho ng isang first year high school student. “Umalingasaw ang baho, sobrang baho iyong naamoy namin. Hindi na namin naituloy na i-test ‘yong sasakyan," kuwento ni Robert Gerardo Sr., technician sa emission testing. Bukod sa mabahong amoy, napansin din ng mga awtoridad ang tumutulong dugo mula sa sasakyan kaya nagduda sila na may kontrabando sa sasakyan. Nakita sa loob ng sasakyan ang apat na sako ng mga kinatay na aso. Kaagad na ibinaon sa lupa ang halos tatlong daang kilo ng karne para hindi na umano mapunta sa merkado. Nakapiit naman ngayon sa Baguio City Jail ang drayber ng Tamaraw FX. Batay sa imbestigasyon ni PO3 James Manacnes, ipinaliwanag umano ng drayber na ipinamaneho lamang sa kanya ng tiyuhin ang sasakyan. Hindi rin umano batid ng drayber ng may mga kinatay na aso sa sasakyan. Ang mga mahuhuli na nagbibiyahe at pagbebenta ng mga kinatay na aso ay mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Rabies Law at Animal Welfare Act. - Balitang Amianan
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
LOADING CONTENT