Filtered By: Topstories
News

Pinay na dating yaya nina Prince William at Harry, ready na sa ‘Royal Wedding’


Hindi makapaniwala ang Pilipina na dating yaya ng mga prinsipe ng Britanya na maiimbitahan siya sa inaabangang kasalan nina Prince William at Kate Middleton sa Biyernes. Sa exclusive interview mula sa London ni Jessica Soho na ipinalabas sa primetime news 24 Oras nitong Huwebes, ikinuwento ni Lily Piccio kung papaano niya natanggap ang imbitasyon sa kanya sa tinaguriang “Royal Wedding." “Excited ako, nabigla ako. Kasi akala ko they don’t remember me anymore, akala ko tapos na, ‘di na kami nag-ano…wala na sabi ko, but they called me here one time, visit me, your invited to the wedding," ayon kay Piccio. Ang dating yaya nina Prince William at Prince Harry - mga anak ng pumanaw na si Princess Diana – ay kabilang sa 1,900 na piling-pili imbitado sa kasal nina Prince William at Kate sa Westminster Abbey.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ang mga bisita sa inaabangang kasalan ay kinabibilangan ng Royal family, mga dignitaries, at mga sikat na international celebrities. Handa na rin daw ang damit na isusuot ni Piccio na ipinagawa pa raw niya sa kanyang bayan sa Bacolod. Maraming magagandang alaala si Piccio sa pagsisilbi niya noon sa Royal family, at pag-aalaga kina Prince William at Prince Harry. Bilang nag-iisang Pinay noon na nagsisilbi sa Royal family, ikinatuwa ni Piccio ang magandang pakikitungo na ipinakita sa kanya ng mga katrabahong “puti." Ibinahagi rin ni Piccio ang mga bagay na ibinigay sa kanya noon ni Princess Diana. Hindi rin niya nakalimutan ang mga aral na itinuro ni Princess Diana sa kanyang mga anak na prinsipe partikular na ang maging mapagkumbaba. Ang kabuuan ng naturang panayam kay Piccio ay mapapanood sa Kapuso Mo Jessica Soho. - FRJimenez, GMA News