Filtered By: Topstories
News

Dato Arroyo sa BIR: ‘I have nothing to hide’


MANILA – Nagpahayag ng pagdududa si Camarines Sur Rep. Diosdado “Dato" Arroyo kaugnay sa hakbang ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na suriin ang kanyang Statement of Assets and Liabilities and Networth (SALN) mula 2007 hanggang 2010. Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng kongresista na posibleng paraan umano ito ng BIR para patuloy na gipitin ang kanyang pamilya. “They are free to conduct an inquiry on my SALN. I have nothing to hide. I hope however that this is a regular exercise of BIR's mandate and not just another tactic of Malacanang to divert the people's attention from the real state of our country by going after those associated with the previous administration," ayon kay Arroyo, anak ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Hindi ipinaliwanag ni BIR assistant commissioner James Roldan kung ano ang dahilan sa paghingi nito kay House Secretary General Marilyn Yap ng kopya ng SALN ni Dato noong Marso 31. Ito rin umano ang araw nang hingin ng BIR ang kopya ng SALN ni Ang Galing Pinoy party-list Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo (nakatatandang kapatid ni Dato), na sumasakop naman sa taong 2004 hanggang 2010. Noong nakaraang buwan ay ipinaalam ng BIR ang pagsasampa ng P73.85 milyong tax evasion case laban kay Mikey at sa asawa nitong si Angela dahil sa hindi umano pagsusumite ng income tax return mula 2004 hanggang 2009. Mariing itinanggi ni Mikey ang alegasyon ay inakusahan ang pamahalaan ng panggigipit sa kanyang pamilya. Nakahanda rin umano ang mambabatas na harapin ang naturang kaso. Bagaman naibigay na umano ng liderato ng Kamara ang hinihingi ng BIR, inakusahan ni Dato ang BIR na pinipili lang ang nais puntiryahin sa SALN. “Kung sa sulat lang ng BIR sa Batasan, wala naman po akong problema doon kasi wala naman akong itinatago. But that is not the issue. The issue is the seemingly very selective persecution of anyone associated with the previous administration-- and the use of the government's precious man hours and resources to this end," pahayag niya. “Kung totoo nga po ang inuulit-ulit nila na hindi sila nangungursunada, bakit sa mga naiisip lang nilang kalaban ng administrasyon ito ginagawa? Bakit po hindi rin ganoon ang pagbusisi nila sa mga taga-majority o sa mga miyembro ng gabinete? If the government is really serious about this, then maybe they should examine not just the opposition but also their allies," dagdag ni Dato. - GMA News