Filtered By: Topstories
News

Suspek sa Maguindanao massacre, umapela sa korte na makapagpagamot


MANILA – Hiniling sa korte ng isa sa mga pangunahing akusado sa karumal-dumal na pagpatay sa 57 katao sa Maguindanao noong 2009 na madala siya sa pagamutan dahil sa kanyang nanakit at namamagang binti at paa.
Si Datu Unsay Ampatuan Sr. (naka-itim na jacket) kasama ang mga police escort nang dumating sa Villamor Airbase para ilipat sa Camp Bagong Diwa mula sa Davao City noong 2010. -- File Photo ni Danny Pata
Sa urgent motion na isinumite ng kampo ni Andal Ampatuan Sr., dating gobernador ng Maguindanao, hiniling nito kay Judge Jocelyn Solis-Reyes ng QC Regional Trial Court Branch 221, na pahintulutan siya maipasuri ang kanyang karamdaman sa isang government hospital. Nakapaloob din sa mosyon na atasan ng hukom ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magpadala ng duktor na susuri sa karamdaman ni Andal Sr na hinihinalang dulot ng kanyang sakit sa prostate. “[Andal Sr.] respectfully moves for his immediate referral to and confinement in any government tertiary hospital as he has been suffering from sharp, continuous pain in his swollen right leg and foot that may be caused by his recurring prostate ailment," nakasaad sa kahilingan ng dating gobernador. Bukod kay Andal Sr, kabilang sa 196 na akusado rin sa tinaguriang Maguindanao massacre na naganap noong Nov. 23, 2009, ang kanyang mga anak, ilang kamag-anak, at dating mga tauhan. Kabilang sa mga nasawi sa naturang krimen ay ang 31 mamamahayag na sumama sa convoy ng mga kalaban sa pulitika ng mga Ampatuan na maghahain sana ng certificate of candidacy para sa May 2010 elections. Kasalukuyang nakapiit si Andal Sr., ang iba pang akusado sa Quezon City Jail Annex building sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City. Noong Hulyo 2010, iniutos ng korte na pansamantalang maratay si Andal Sr sa Medical Center ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa V. Luna Street, Quezon City dahil sa sakit nito sa balat na herpes zoster. – GMA News