Filtered By: Topstories
News

Comelec chairman nawalan ng malay, isinugod sa ospital


MANILA – Isinugod sa ospital si Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes Jr. nitong Miyerkules ng gabi matapos mawalan ng malay habang nasa kanyang tanggapan sa Intramuros, Manila. Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, dakong 6:30 p.m. nang himatayin si Brillantes at isugod sa Manila Doctors Hospital. "Ngayon conscious na siya inoobserbahan na lang," pahayag ni Jimenez sa panayam sa telepono ng GMA News Online. Nagkamalay na rin daw ang opisyal pero hihintayin pa ang resulta ng mga isinagawang pagsusuri sa kalusugan nito.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sinasabing gastorintestinal-related ang inisyal na obserbasyon ng mga duktor sa nangyari kay Brillantes. "May be something he ate, he's now stable," saad ni Jimenez sa ipinadala niyang text message. Si Brillantes ang pumalit sa binakanteng puwesto ni Jose Melo, na nagdesisyong na huwag nang tapusin ang kanyang termino sa 2015. Itinalaga ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III si Brillantes bilang pinuno ng Comelec noong Enero 2011. Nagsilbi si Brillantes bilang election lawyer ng mga pulitiko kasama na si Aquino. Inaasahan na hindi magiging madali ang paglusot ni Brillantes sa Commission on Appointments (CA) dahil sa naging kaugnayan niya sa ilang pulitiko. Kabilang si Senate Minority leader Sen Alan Peter Cayetano sa mga tumutol na italaga si Brillantes sa Comelec dahil naging kliyente nito si dating Supreme Court justice Dante Tinga. Si Tinga ay natalo sa asawa ni Cayetano na si Mayor Lani Cayetano sa nakaraang mayoralty elections sa Taguig. Nakabinbin ngayon sa Comelec ang inihaing petisyon ni Tinga laban sa pagkapanalo ni Mayor Cayetano. - GMA News