Filtered By: Topstories
News

'Gibo', ‘di interesado sa iiwang puwesto ni 'Merci' sa Ombudsman


MANILA – Inihayag ni dating Defense Secretary Gilberto "Gibo' Teodoro Jr, nitong Huwebes na wala pa siyang balik bumalik sa gobyerno sa ngayon. Ang pahayag ay ginawa ni Teodoro matapos siyang irekomenda ni Sen Miriam Defensor-Santiago na bilang kahalili sa iiwang puwesto ni Ombudsman Merceditas Gutierrez. “I am humbled by and am most grateful for the kind words Sen. Miriam Defensor Santiago said about me," pahayag ni Teodoro “(But) my present endeavors do not allow me to consider returning to government service at this time." (Basahin: Susunod na Ombudsman mahalaga raw sa mga poporma sa 2016 presidential polls) Epektibo ang resignation ni Gutierrez sa Biyernes, tatlong araw bago magbukas ang sesyon ng Kongreso at masimulan ang proseso ng impeachment trial na dapat sanang gawin sa Senado laban kay Gutierrez. Si Teodoro, Bar topnotcher noong 1989, ang naging pambato ng partido ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na Lakas-Kampi-CMD, noong nakaraang May 2010 presidential elections. Natalo siya sa kanyang pinsan na si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, makaraang pumang-apat lang sa naturang halalan. Gayunman, lumitaw sa Konstitusyon na hindi rin maaaring italaga si Teodoro bilang Ombudsman o kahit Deputy Ombudsman, dahil sa pagtakbo niya sa nakaraang halalan. Nakasaad sa Art. XI, Sec. 8 ng Saligang Batas na, “The Ombudsman and his Deputies... at the time of their appointment, ...must not have been candidates for any elective office in the immediately preceding election." Labis naman ang pasasalamat ni Teodoro kay Santiago dahil sa pagtitiwala sa kanyang kakayanan at integridad. – GMA News