Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mommy Dionisia’s only wish on Mother’s Day


May isang kahilingan si Mommy Dionisia para sa nalalapit na selebrasyon ng Mother’s Day sa darating na Linggo, na nasabay sa laban ng kanyang anak na si Congressman Manny “PacMan" Pacquiao kontra kay Sugar Shane Mosley. Sa panayam ni GMA News reporter Steve Dailisan kay Mommy D sa General Santos City, inihayag ng ina ng tinaguriang pambansang kamao ng Pilipinas, ang kumpiyansa na mananaig ang anak laban sa mas malaking si Mosley. “'Pag nakita ko picture nila sa TV, parang kinakabahan ako. Sabi ko, ‘ang laki ni Mosley, okey lang. Sabi ko walang imposible sa Panginoon," masayang sambit ni Mommy Dionisia sa primetime news 24 Oras nitong Huwebes. At dahil nasabay sa Mother’s Day ang laban ni Cong Pacquiao sa May 8 (oras sa Pilipinas), wala na raw siyang ibang hangad kundi ang tagumpay ng anak.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Bilang Mother’s Day Lord, ina na ako, ibigay mo sa’ken ang kaligayahan. Sana para hindi ako malungkot, ibigay mo ang panalo sa anak ko," ayon kay Mommy D na binansagan ding “PacMom." Bukod sa paghahanda sa nalalapit na laban ng anak, abala rin umano ni Mommy D sa nalalapit niyang kaarawan sa May 15. Kaya naman magiging double celebration para sa pamilya kapag tinalo ni Pacquiao si Mosley. Kasabay nito, isang imahe ng Our Lady of Mediatrix ang iniregalo ng mga miyembro ng Divine Mercy Davao chapter kay Mommy Dionisia. Gusto kasi nilang gawing modelo ang PacMom upang hikayatin ang mga Pilipino sa pagdarasal at itaguyod ang pagiging pro-life gaya ng panindigan ni Cong Pacquiao sa Kongreso. Malugod na tinanggap naman ni Mommy D ang imahe at isasama raw niya sa iba pang imahe na kanyang inaalagaan at dinadasal tuwing may laban ang anak. Dagdag pa niya, suwerte at nakakadagdag ng grasya ang mga inireregalong imahe ng mga Santo sa mga okasyon katulad ng birthday at kasal. - FRJimenez, GMA News