Filtered By: Topstories
News

Wala kasing bomb-sniffing dogs: Bag na inakalang may bomba, mga pulis na lang ang umamoy


MANILA – Ipinakita ng mga tauhan ng Explosive Ordnance and Disposal (EOD) Unit ng Philippine National Police (PNP) sa Paranaque, ang tapang at abilidad sa pagsusuri sa isang bag na naiwan sa Baclaran na inakalang may lamang bomba. Sa ulat ni GMA News reporter John Consulta sa primetime news 24 Oras nitong Biyernes, nabulabog umano ang mga tao sa Baclaran dakong 10:00 am, nang mapansin ang isang kulay asul na bag na naiwan malapit sa Vendors Cooperative Development Building. Ayon sa isang saksi, kinabahan sila dahil mabigat ang bag at hindi nila mabuksan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kaagad namang pinalayo sa bago ng mga rumespondeng pulis ang mga tao at humingi ng suporta sa bomb squad ng Paranaque-PNP o ang Explosive Ordinance and Disposal (EOD) Unit. Pero inabot ng mahigit isang oras bago nakarating sa lugar sa grupo ng EOD. Bukod pa rito, wala rin silang dalang K-9 unit o bomb-sniffing dogs at protective suit na proteksiyon nila sa katawan sakaling sumabog ang bomba. Matapos talian at mahatak sa gitna ng kalye ang bag, nilapitan ng mga tauhan ng EOD ang bag at masusing inamoy-amoy. Ilang sandali pa, nabuksan nila ang bag at tumambad ang laman nito na mga damit, payong at tubig. Paliwanag ni S/Supt. Nestor Pastoral, hepe ng Paranaque police, naipit sa trapik ang kanyang mga tauhan kaya natagalan sa pagresponde. Aminado rin ang opisyal na wala silang sapat na gamit sa mga sitwasyon katulad nang naganap sa Baclaran. - FRJimenez, GMA News