Filtered By: Topstories
News

Gabinete ‘di raw babalasahin para maipasok ang mga talunang kapartido ni PNoy


MANILA – Iginiit ng isang opisyal sa Malacanang na hindi babalasahin ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang kanyang Gabinete para mabigyan ng puwesto ang mga kapartido sa Liberal Party (LP) na natalo noong May 2010 elections. Sa panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na masaya umano si Aquino sa trabaho ng kanyang Gabinete. Ito ay sa kabila ng mga ulat na may ilang personalidad na may pinupuntiryang puwesto sa Malacanang. “I think that these names have come out for a particular position. But, again, let me go back to the fact that the President did say that he is happy with his Cabinet and that almost all those positions that are existent are now filled," paliwanag ni Valte. Ganito rin ang naging pahayag ni Aquino sa programa ni Arnold Clavio sa GMA News TV 11 noong nakaraang linggo, nang tanungin kung magkaroon ng pagbabago sa Palasyo kapag natapos na ang election ban sa mga natalong kandidato.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kabilang sa mga natalong kandidato ng LP na inaasahang magkakaroon ng puwesto sa Malacanang ay sina dating Sen Mar Roxas; mga dating kongresista na sina Rufino Biazon, Risa Honteveros at Neri Acosta. Si Roxas ang naging running-mate ni Aquino noong May 2010 presidential elections, samantalang kandidato sa pagka-senador sina Biazon, Honteveros at Acosta. Sinabi ni Biazon na kahit noon pa man ay batid ni Aquino na malapit sa kanya ang usapin ng peace and order and security ng bansa. "Kung may nandoon na, ayoko naman na lalabas ay somebody is set aside just because I asked for it although I intimated that to the president even before he was proclaimed," pahayag ni Biazon sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes. Hindi naman nagbigay ng pahayag si Valte kung mas mababang posisyon ang maaaring ibigay sa mga natalong kandidato. “But, again, I’d like to reiterate (presidential spokesperson Edwin) Lacierda’s appeal for us to wait should the President be making any announcements—to wait for such announcement to happen because, at this point, it’s pure speculations," ayon kay Valte. Sinabi naman ni LP secretary general at Cavite Rep Joseph Emilio Abaya, sa ulat ng 24 Oras na marami sa kanilang kapartido ang kuwalipikadong humawak ng puwesto sa gobyerno. Mayroon din umanong komite na binuo ang LP para salain ang mga kapartido na maaaring irekomenda nila sa search committee ng Malacanang na siyang pumipili sa mga itinatalaga sa gobyerno. - FRJ, GMA News