Filtered By: Topstories
News

‘Nawawalang’ P2.6B family health funds, hahalungkatin sa Senado


MANILA – Ipatatawag ng Senado ang nakaraang mga kalihim ng Department of Health para alamin kung saan ginamit ang P2.6 bilyong pondo na inilaan sa Family Health Program mula 2008 hanggang 2010. Bukod kay Sec Enrique Ona, kasalukuyang kalihim ng DOH, maaaring imbitahan ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III, sa gagawing pagdinig ng kapulungan ang mga dating kalihim ng ahensiya na sina Francisco Duque at Esperanza Cabral. Ayon kay Sotto, ang kumpirmasyon na ginawa ni Ona na naipalabas ang naturang pondo sa mga regional offices ng DOH ay indikasyon na maaaring nagamit ang pondo. (Basahin: Sotto claims corruption in family health funds) Ngunit dapat umanong malaman kung saan ginamit ang pondo dahil mayroong mga opisyal sa local government units (LGUs) na nagbigay ng sertipikasyon na hindi umano sila nakatanggap ang naturang pondo. “I would like to thank Sec. Ona for confirming that they have indeed released the money intended for family health programs. His statement has bolstered our urgent call for a probe on the use or possible misuse of DOH’s Family Health Program fund," pahayag ni Sotto nitong Huwebes. (Basahin: DOH chief: No anomaly in funds for health programs of LGUs) Matapos isiwalat ni Sotto ang umano’y maling paggamit sa naturang pondo, kaagad namang nilinaw ni Cabral na nasa ahensiya pa ang pondo at hindi pa nagagalaw. Inakusahan din ni Cabral na ang ginawang pagbubunyag ni Sotto ay paraan umano para hadlangan ang isinusulong na reproductive health bill sa Kongreso. “If money has been released and the intended end user (LGUs) is saying they did not receive it, we have here a case of missing or disappearing fund at the very least," ayon kay Sotto. Sakaling may mga LGU’s na nabigyan ng pondo, sinabi ni Sotto na dapat malaman kung saan ito napunta, papaano ginamit at sino ang dapat managot kung nagkaroon man pagwawaldas. Umaasa ang senador na mauunawaan ng mga dating kalihim ang gagawin niyang paghalungkat sa naturang pondo para malaman kung nagamit ng tama ang pondo ng bayan. “Someone should be able to explain the gaps. We cannot just accept the explanation of both sides at face value. Clearly, there are contradictory positions. Someone could be telling half-truths or half lies. This we will soon find out," anang senador. - GMA News