Filtered By: Showbiz
Showbiz

Richard Gutierrez airs side on his driver's speeding violation


Itinanggi ng Kapuso leading man na si Richard Gutierrez na nagwala at minura niya ang mga traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na humuli sa kanila dahil sa paglabag ng kanyang driver sa speed limit sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Martes. Sa panayam ni GMA News reporter Saleema Refran, sinabi ni Richard na nagalit lang siya nang maramdaman na tila hina-harass na siya ng traffic enforcer na humuli sa kanila. “Kita naman sa video na kalmado ako, na hindi naman galit, na hindi naman nagwawala, hindi ako nagmumura," pahayag ni Richard sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules. Ang video na tinutukoy ni Richard ay kuha ng isang motorista na napadaan sa lugar nang mahuli ang aktor at drayber niyang si Loreto Figueroa.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nagsimula umanong magalit si Richard nang marinig nito ang MMDA enforcer na nagrereport sa isang tao na kausap sa handheld radio. “’Sir si Richard Gutierrez po ‘tong nahuli namin,’ sabi niya sa radyo niya," kuwento ni Richard. “And then sumagot yun nasa radyo na, ‘ayan sige tekitan mo ‘yan para matauhan at para matawagan natin yung mga reporters mamaya." Ang naturang pag-uusap ang naging dahilan umano kaya nagalit ang aktor. “As a passenger, they don't have the right to do that. MMDA does not have the right to do that." Iginiit naman ni Ronnie Rivera, hepe ng No-Contact Policy ng MMDA, at sinasabing opisyal na kausap ng traffic enforcer sa radyo, na wala siyang ibinigay na direktiba na tumawag ng media. Ipinaliwanag ni Rivera na maraming media sa Commonwealth Avenue noong Martes ng umaga dahil nagkokober umano sa isinasagawang operasyon ng MMDA laban sa mga motoristang lumalabag sa batas trapiko sa tinaguriang “killer highway" sa Pilipinas. Idinagdag pa na wala umanong media na nakakita nang hulihin ang sinasakyang Audi SUV ni Richard. Sinabi naman ang drayber ni Richard na hindi niya alam na may speed limit sa Commonwealth Avenue. Iniulat na umabot sa 79 kilometer per hour ang sasakyan ni Richard, lampas sa 60kph na itinakdang limit sa takbo ng mga sasakyan sa Commonwealth Avenue. Nagbigay naman ng mensahe si Richard sa mga naglabas ng umano’y maling balita tungkol sa pagkakahuli ng kanyang drayber at humusga kaagad sa kanya. "Before they put that as a headline, siguro kunin muna nila side ko," hinanakit niya. “This is not the first time that happened to me, it happens to me every time. Wala pa ang side ko, nasa headlines na agad." Bukod kay Gutierrez, ilan pang motorista ang nahuli sa Commonwealth Avenue dahil sa hindi pagsunod sa speed limit. (Read: Richard Gutierrez’s car caught speeding along Commonwealth Avenue) Muling pinaigting ang kampanya laban sa mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan sa naturang highway matapos masawi sa aksidente ang veteran journalist at UP professor na si Lourdes “Chit" Estella-Simbulan. – FRJimenez, GMA News