Filtered By: Topstories
News

PNoy hinamon na papanagutin ang mga sangkot sa umano'y maanomalyang rice importation


MANILA – Ang umano’y paglulustay ng tinatayang P1 bilyong pondo sa pagbili ng imported rice ay isang patunay na ang katiwalian sa gobyerno ang ugat ng kahirapan at hindi ang lumalaking populasyon ng bansa, ayon sa isang obispo ng Simbahang Katoliko. Ang pahayag ay ginawa ni Novaliches Emeritus Bishop Teodoro Bacani Jr., kaugnay sa ibinunyag ni ng National Food Authority (NFA) administrator Angelito Banayo, tungkol sa pagkabaon sa utang ng ahensiya dahil sa umano’y mistulang rice smuggling na naganap sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. (NFA: Rice smuggling made to look legal during Arroyo admin) Sa panayam ng Veritas radio nitong Huwebes, sinabi ni Bacani na napakaraming Pilipino ang hindi sana magugutom kung nagamit lamang sa tama ang pondo ng NFA.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Bukod dito, malaki rin umano ang maitutulong ng naturang halaga sa pagkakaloob ng serbisyo sa publiko tulad ng pagpapatayo ng ospital at paaralan, at pagkuha ng dagdag na mga nurse, doktor, at guro. “Isa pang katunayan ‘yan na tama ang posisyon ng Simbahan na hindi ang pagdami ng tao ang dahilan ng kahirapan kundi katiwalian talaga. ‘Pag nasugpo ‘yan, talagang uunlad tayo. Kung walang kurap, walang mahirap. ‘Yan sana ang totohanin ng Pangulo (Benigno “Noynoy" Aquino III)," pahayag ni Bacani. Nitong Martes, sinabi ni Banayo na lumitaw sa audit report sa pag-import ng mga bigas ng nakaraang administrasyon na mistula umanong ginawang legal ang rice smuggling. “Parang ni-legalize ang rice smuggling dahil libre sila sa taxes, pagkatapos halos wala namang binayad sa gobyerno kundi P25 per bag," ayon kay Banayo. Dahil dito, nanawagan si Bacani kay Aquino na tuparin ang pangako noong kampanya na susugpuin ang katiwalian para malutas ang problema sa kahirapan. “Dapat imbestigahan ‘yan at dapat may mapanagot sa batas ‘yan. Pera ‘yan ng taong-bayan na nawawaldas. Marami ang naghihirap at nagugutom tapos nabubulok naman ang mga bigas sa NFA, Nakukurap lang," ayon sa obispo. Idinagdag ni Bacani na makabubuting ipamahagi na muna ang mga nakaimbak na mga bigas bago muling magplano ang gobyerno na muling umangkat. “Hindi ko makita ang logic, nag-iimport tayo ng bigas tapos hahayaan lamang natin na mabubulok sa halip na ipamigay sa milyung-milyong Pilipinong nagugutom," pagdiin ni Bacani. Nitong Miyerkules, ipinakita ng isang magsasaka sa Bulacan ang ilang larawan na kuha umano sa warehouse kung saan nakaimbak ang mga nabubulok na bigas. Bagaman hindi pa umano nauubos ang naturang mga bigas sa bodega ng NFA sa Bulacan, may paparating na naman umanong imported na mga bigas. - GMA News