Filtered By: Topstories
News

P500 sa 3-oras na 'serbisyo': Sex trade, talamak sa Dagupan City?


BALITANG AMIANAN – Buong araw gising ang kalakalan sa downtown Dagupan City sa lalawigan ng Pangasinan. Pero aminado ang lokal na pulisya na ikinababahala nila ang tila nagiging talamak na bentahan ng panandaliang aliw sa ilang kalye sa nabanggit na lungsod. Freelance GRO (guest relation officer) ang tawag ng pulisya sa mga babae na sangkot sa prostitusyon at naghahanap ng kanilang parukyano sa kalye ng MH Del Pilar at Arellano. Ayon kay P/Chief Inspector Zaldy Dalope, deputy chief ng Dagupan police, karaniwang tumatabi sa mga nakahintong sasakyan ang mga babae at pagkaraan ay isasakay ang mga ito. Sa isinagawang operasyon ng pulisya nitong Huwebes ng gabi, siyam na hinihinalang “GRO" ang naaresto makaraang magpanggap na parukyano ang isang police asset. Itinanggi naman ng isa sa mga nahuli, at pinakamatanda sa mga “GRO," na sangkot siya sa prostitusyon. Aniya, kumukuha lang siya ng sustento sa isang drayber para sa kanyang anak. Ngunit ang 20-anyos at pinakabata sa grupo, umamin na nagbebenta siya ng panandaliang aliw para mailabas umano ang kanyang ina na nakakulong sa Baguio City. Kuwento nito, binabayaran siya ng P500 para sa “serbisyo" na maaring tumagal ng tatlong oras. Pero kung minsan hindi na umano nila kinukompleto ang tatlong oras. Bagaman tila nagiging talamak ang prostitusyon sa lungsod, ipagpapatuloy naman daw ng pulisya ang kanilang operasyon laban sa mga nagbebenta ng panandaliang aliw. Isa umano sa mga dahilan kaya hindi masugpo ang prostitusyon ay dahilan sa maliit na multa na ipinapataw sa mga sangkot sa ilegal na gawain. - Balitang Amianan