Filtered By: Showbiz
Showbiz

Wedding bells soon for Zsa Zsa and Dolphy?


Inaasahan na matutuloy na ang ilang ulit nang naunsiyaming kasalan ng comedy king na si Dolphy at Zsa Zsa Padilla, makaraang pawalang-bisa ng korte ang kasal ng huli sa dati nitong asawa. Sa phone interview nina Butch Francisco at Ricky Lo, hosts ng Startalk TX nitong Sabado, maririnig sa tinig ni Zsa Zsa ang kasiyahan sa pagkaka-annul ng kasal niya kay Dr Modesto Tatlonghari. Ayon kay Zsa Zsa, sampung taon niyang hinintay ang desisyon ng korte na mapawalang-bisa ang kasal kay Modesto, na ama ang kanyang anak na si Karylle. Dahil sa paghihintay sa desisyon ng korte, sinabi ng singer-TV host na dalawang beses naunsiyami ang pagpapakasal nila ni Dolphy – isa sa Las Vegas noong 2004, at isa pa noong 2007.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “December may finality na e, hinihintay na lang namin yung decree of nullity na ma-release, dumating nga nitong Thursday (May 19). So, kumbaga, ini-expect nga niya na mag-uusap kami," kuwento ni Zsa Zsa, tungkol sa pag-uusap nila ng dating asawa sa telepono matapos niyang matanggap ang decree of nullity. Nang tanungin kung ano ang naging reaksiyon ni Dolphy nang malaman na pinal nang ipinawalang-bisa ang kasal niya kay Modesto, sinabi ni Zsa Zsa na napangiti lang ang kinikilalang comedy king ng Philippine cinema. “Actually nag-smile lang siya wala siyang masyadong sinabi. Siguro pareho kami ng feeling, na parang totoo na ba ‘to?," ayon kay Zsa Zsa, na nagpahabol na nagkaroon na sila ng trauma sa paghihintay sa annulment ng kanyang kasal. Kaya naman daw napaiyak siya nang matanggap at mabasa ang decree of nullity. “Sabi ko, ‘God, totoo na ba ‘to, final na ba ‘to," dagdag niya. Wala rin umanong nasabi ang kanyang anak na si Krylle dahil inaasahan na nito ang magiging desisyon ng korte. Samantala, ang anak nila ni Dolphy ay napasigaw sa tuwa. Dahil libre na uli siyang magpakasal, matuloy na kaya ang pag-iisang dibdib nila ni Dolphy? “Hindi pa siya (Dolphy)nagpo-propose," pahayag ni Zsa Zsa na sinundan ng pagtawa. “Hinihintay kong bigyan niya ko ng bagong singsing, gusto ko panibagong diamond…joke!" Dahil sa pagkaunsiyami ng mga naunang plano na magpakasal, sinabi ni Zsa Zsa na tila nagkakahiyaan at nagpapakiramdaman sila ng comedy king. Pero hindi umano niya pupuwersahin si Dolphy, bagkos ay hihintayin niya ito na muling ayain siyang magpakasal. - FRJimenez, GMA News