Filtered By: Topstories
News

Mga bansang 'ligtas' puntahan ng mga OFW, tinukoy ng POEA


MANILA – Mahigit 70 bansa ang tinukoy ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na "ligtas" puntahan ng mga Pilipino na nais magtrabaho sa labas ng Pilipinas. Ang pagsusuri sa mga bansa na mapoprotektahan ang karapatan ng mga overseas Filipino worker (OFW), ay ginawa ng POEA bilang pagtalima sa itinatakda ng Republic Act 10022 o ang Migrant Workers Act. Nakasaad sa POEA Resolution No. 2, na ang mga bansang ligtas puntahan ng mga OFW para magtrabaho ay nasa: Africa (apat na bansa); Americas (21 bansa); Europe (32 bansa); Asia and the Pacific (17 bansa); at Middle East (dalawang bansa). “The POEA Governing Board resolves to continue the deployment of OFWs to the countries mentioned, which had been certified as compliant with the guarantees provided by law, effective immediately," nakasaad sa ulat ng POEA. Nakasaad sa Section 3 ng RA 10022, na dapat payagan lamang ng pamahalaan ang pagpapadala ng OFWs sa mga bansa na mayroong, "labor and social laws protecting the rights of workers; is a signatory to and/or a ratifier of multilateral conventions, declarations or resolutions relating to the protection of workers; and has concluded a bilateral agreement or arrangement with the government on the protection of the rights of OFWs". Nilinaw naman sa ulat na hindi kailangang itigil ang pagpapadala ng mga OFW sa mga bansa hindi kasama sa listahan. Sa halip ay patuloy ang isasagawang pagsusuri at pagsubaybay ng pamahalaan sa mga bansang hindi nakaabot sa pamantayan na itinatakda sa RA 10022. “In the meantime, the deployment of OFWs to these countries (na hindi kasama sa listahan) shall continue except, where deployment bans is in effect," ayon sa ulat. Nakasaad sa listahan ng ligtas na mga bansa na puwedeng puntahan ng mga Pinoy na nais magtrabaho: Angola, Kenya, Namibia, South Africa, Argentina, Belize, Bolivia, Brazil, Canada, Chile, Columbia, Costa Rica, Ecuador, Guam, Guatemala, Guyana, Jamaica, Mexico, Northern Marianas, Paraguay, Peru, Suriname, Uruguay, United States of America, Venezuela, Albania, Austria, Azerbaijan, Belgium, Bosnia-Herzegovina, Czech Republic, Cyprus, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, at Hungary. Nasa listahan din ang Italy, Ireland, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxemburg, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, San Marino, Slovak Republic, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, The Netherlands, Turkey, United Kingdom, Australia, Brunei, Hong Kong, Indonesia, Japan, South Korea, Laos, Macau, Maldives, Malaysia, Marshall Islands, Myanmar, New Zealand, Palau, Sri Lanka, Taiwan, Vietnam, Israel, and Oman. Gayunman, hindi kasama sa listahan ang Kingdom Of Saudi Arabia at United Arab Emirates, kunsaan marami ang bilang ng mga OFWs. Sa nakalipas na mga buwan, ilang grupo ng nagipit na mga OFW mula sa Middle East ang nakauwi sa Pilipinas, bitbit ang mga masasaklap na kuwento ng pagiging biktima ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso at pagmamaltrato mula sa kanilang mga amo. - FRJ, GMA News