Filtered By: Showbiz
Showbiz

Rhian Ramos to focus on work, studies


Excited ang Kapuso star na si Rhian Ramos sa kanyang pagbabalik sa trabaho matapos ang napabalitang breakup sa nobyo na isang radio and television host. Si Rhian ang magiging bida sa susunod na episode ng horror-comedy series na Spooky-Night presents: Snow White Lady, ayon kay entertainment reporter Aubrey Carampel. Sa ginanap na story conference, gagampanan ni Rhian sa Spooky-Night ang role bilang si Snow White na mag-aakalang isa siyang white lady. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabi ni Rhian na gusto niya ang naturang project dahil masaya ito na may kaunting katatakutan. Sa ginanap na story conference, hindi umano mababakas na galing si Rhian sa isang problema dulot ng napabalitang breakup kay Mo Twister. “Happy ako kasi, ayun, excited ako na maging busy ulit," ayon kay Rhian. Ayaw na rin ni Rhian na pag-usapan ang naturang hiwalayan. Matapos umano ang pakikipag-usap sa kanyang abogado na si Atty Lorna Kapunan, napagkasunduan daw nila na mapayapang lutasin ang kontrobersiya na kinasangkutan nila ni Mo. Kung mayroon man daw siyang natutunan at napatunayan sa pinagdaanang problema, ito ay ang mahalin ang sarili, at makita pagmamahal ng kanyang pamilya sa kanya. Sa ngayon, out daw muna kay Rhian ang love life, at pagtutuunan niya ng pansin ang trabaho at pag-aaral. - FRJimenez, GMA News