Filtered by: Showbiz
Showbiz

Amaya, ‘di lang basta seryeng pangtelebisyon


Bukod sa magandang kuwento tungkol sa pakikibaka ng isang babae na gagampanan ni Marian Rivera bilang si Amaya, marami ring aral at kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas ang makukuha sa pinakaaabangang epicserye sa GMA 7. Bagaman ang Amaya ay isang historical fiction na base sa sinaunang kasaysayan ng Pilipinas, partikular sa rehiyon ng Visayas, pinagtuunan naman ng lubos na pansin ng production team na maging historically accurate ang kuwento nito. At sa tulong ng mga historian na sumubaybay sa paggawa ng epicserye, hindi lang ang mga sinaunang kasuotan at mga gamit ang makikita sa telebisyon, mabibigyan din ng kaalaman ang mga manonood tungkol sa sinaunang tawag sa mga tao. Ilan nga sa mga ito ay nagkaroon na ng ibang kahulugan sa modernong panahon, gaya na lamang sa mga taong tinatawag na “timawa."
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa panayam ni entertainment reporter Cata Tibayan, ipinaliwanag ni Dr. Niel Santillan, historian, ang naging ambag sa lipunang Pilipino ng sinaunang barkong pandigma na ‘karakoa.’ “Sa karakoa ipinapakita dun ang social gratification, na bawat isa ay mayroong ambag sa lipunang Pilipino. So, halimbawa ang mga ‘ulipon,’ sila yung tagasagwan," paliwanag ni Santillan sa Chika Minute sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules. “Halimbawa yung mga ‘timawa’ naman, sila yung may dala ng bangkaw. Ang mga timawa ang magigiting na mandirigma. So, ‘yon talaga ang larangan na magaling sila. Yung mga datu hindi puwede na walang namumuno," dagdag pa ni Santillan. Kung magigiting na mandirigma ang mga "timawa" noon, sa kasalukuyang panahon, ang mga ‘timawa’ ay inilalarawan bilang tao na ganid sa isang bagay, katulad sa pagkain o pagiging ‘matakaw.’ Importante rin umano ang papel na gagampanan ni Marian bilang si Amaya, ang mandirigmang prinsesa na isang ring “babaylan." Ayon kay Santillan, ang mga babaylan noong unang panahon ay kinikilala na may kakayanang makipag-usap sa mga ‘anito’, kaya naman sila ang hinihingan ng mga payo. “Kailangan nating manganyaw, yung sasalakay sa isang lugar kasi kailangan nating kumuha ng pagkain. Halimbawa, kailangan niya ang payo ng babaylan. So, ang tingin sa babaylan, sila lang talaga ang nakakausap sa mga anito," ayon sa historian. Ang Amaya ay mapapanood gabi-gabi sa GMA 7 simula na sa May 30. - FRJimenez, GMA News

More Videos
LOADING CONTENT