Filtered By: Topstories
News

China pinagpapaliwanag ng ‘Pinas sa nakitang barko sa Reed Bank


MANILA – Ipinarating ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Embahada ng China sa Manila ang "labis na pagkabahala" sa pinakabagong insidente ng pagpasok umano ng mga barkong militar ng China sa karagatang itinuturing sakop ng Pilipinas. Sa isang pahayag ng DFA nitong Miyerkules, hiniling ng pamahalaan ng Pilipinas sa Embahada ng China na ipaliwanag ang pagkakakita sa mga barkong military ng China sa bahagi ng West Philippine Sea (o South China Sea). Ayon sa DFA, namataan nitong Martes sa bahagi ng Iroquois Reef-Amy Douglas Bank sa West Philippine Sea ang China Marine Surveillance vessel at People's Liberation Army Navy ships.
Photo courtesy of Department of Foreign Affairs.
"These ships reportedly unloaded building materials, erected an undetermined number of posts, and placed a buoy near the breaker of the Iroquois Bank," pahayag ng DFA, batay sa ibinigay na ulat ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines. Ang Iroquois Reef-Amy Douglas Bank ay nasa timog-kanluran ng Reed Bank at nasa silangan naman ng Patag Island. Iginiit ng DFA, na ang lugar ay, "well within the Philippines' 200 nautical miles Exclusive Economic Zone." Idinagdag ng DFA na walang mga estruktura at walang umuukupa sa naturang lugar. Ang mga poste at mga buoy na inilagay umano ng mga Chinese sa bahagi ng Iroquois Bank ay nasa 26 nautical mile silangan ng Patag Island at 125 nautical mile mula sa Palawan. "Any new construction by China in the vicinity of the uninhabited Iroquois Bank is a clear violation of the 2002 ASEAN-China Declaration on the Conduct of Parties (DOC) in the South China Sea," ayon kay DFA secretary Albert del Rosario.
Ang China Marine Surveillance vessel na namataan malapit sa Reed Bank sa May 21, 2011. DFA photo.
Una rito, nagpaabot na rin ng pagkabahala ang DFA kaugnay sa lumabas na ulat ng media sa China tungkol sa plano ng naturang bansa na maglagay ng modernong oil rig sa South China Sea sa Hulyo. Hiningi ng DFA sa Chinese Embassy ang eksaktong lokasyon kung saan ilalagay ang mega oil rig, at iginiit na hindi ito dapat itayo sa karagatang sakop ng Pilipinas. Sa nakaraang pulong nitong Mayo 27, tiniyak ng magkabilang panig na pananatilihin ang magagandang ugnayan ng dalawang bansa . "The Philippines recognizes that critical to the peace and stability of the West Philippine Sea is the full and faithful implementation of the ASEAN-China DOC on the South China Sea. The Philippines also believes that it is in the best interest of all claimant countries and the region to transform the area into a Zone of Peace, Freedom, Friendship and Cooperation (ZOPFF/C) through sustained consultations and dialogue," ayon sa DFA. - FRJ, GMA News