Filtered By: Topstories
News

Estudyanteng pumasa sa UPCAT, sa ibang unibersidad napadpad


MANILA – Laking tuwa ni Kennedy Olaguera nang matanggap niya ang magandang balita mula sa kanyang kaibigan noong nakaraang Enero na nakapasa siya sa University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) na kinuha niya sa UP Diliman, Quezon City. Kabilang si Olaguera, valedictorian sa Quezon City High School, sa libu-libong kabataan na kumuha ng UPCAT noong nakaraang taon. Ngayon, kabilang siya sa may 300 na pumasa sa naturang pagsusulit at umasang magiging “iskolar ng bayan," pero hindi nakapag-enroll sa prestihiyosong unibersidad. Naging panandalian lamang ang kasiyahan ni Olaguera nang mabalitaan na pumasa siya sa UPCAT dahil napag-alaman niya na sa UP Baguio siya pinag-e-enroll para sa kursong BS Math. Dahil walang permanenteng trabaho ang kanyang mga magulang, batid niya na hindi niya matutustusan ang kanyang pag-aaral sa UP Baguio. “Bago po ang aming pagtatapos sa sekundarya ay desidido na talaga ako na pumasok sa UP. Kaso po wala pong pangsuporta ang aking mga magulang; una po sa aking tuition, pangalawa sa pambayad sa aking tutuluyan. Wala naman po kaming bahay doon, at higit sa lahat, wala po silang permanenteng trabaho para tustusan yung pang araw-araw na gastusin ko dun," ayon kay Olaguera. Dahil sa hangaring makapag-aral sa kolehiyo, naghanap ng mapagkukunan ng scholarship grant si Olaguera at tumugon naman sa kanya ang SM Foundation. Ngunit naging mailap pa rin sa kanya ang UP dahil naubos na raw ang slot sa unibersidad. Hangad sana niyang kumuha rito ng kursong accounting. “Sa ibang paaralan na lang daw po ako pwedeng pumasok kaya po napilitan akong maghanap ng maaring pasukan. Kaya naman sinubukan ko sa FEU (Far Eastern University) at doon pinalad akong makapasok bilang isang iskolar," kuwento niya. Sinagot umano ng SM Foundation ang bayarin niya sa matrikula, miscellaneous at pinagkalooban din siya ng allowance. Hindi itinago ni Olaguera ang pagkadismaya sa patakaran ngayon ng UP na inakala niyang makatutulong sa pag-aaral ng mahihirap na kabataan na makapapasa sa inilaan nitong ipagsusulit. “Na-disappoint po ako kasi hindi ka pala pwedeng makapag-aral sa UP kapag mahirap lang kayo. Akala ko po dati para sa mahihirap na deserving ang UP," pahayag niya. Bagaman may ipagkakaloob umano na scholarship ang UP sa Agosto, sinabi ni Olaguera na sinabihan siya na kakailanganin pa rin daw niyang maglabas ng pera. Nitong Miyerkules, iniulat sa GMA News ang kuwento ni Cherry Holgado, kabilang din sa mga nakapasa sa UPCAT na kamuntik na hindi makapag-enroll sa UP Diliman dahil sa kawalan ng pera ng kanyang mga magulang para bayaran ang kanyang tuition. (Read: Teenager's UP dream comes true, thanks to donors) Makaraang lumabas ang kanyang kuwento, nalutas ang problema ni Holgado dahil dumagsa ang tulong para mabayaran ang kanyang matrikula sa UP na nagkakahalaga ng P7,638.50 para sa 18 unit load. - FRJ, GMA News