Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tahanan ng mga 'Raja', ipakikita sa Amaya


Maraming ginto, makukulay na kurtina, at may parisukat na mababang entablado na nagsisilbing trono. Ilan lamang ito sa mga makikita sa marangyang tahanan ng mga makapangyarihan tao noong unang panahon sa Pilipinas, katulad ng mga Raja. Sa pinag-uusapang kauna-unahang epicserye sa Philippine television na Amaya, ipakikita kung ano ang itsura ng bahay ng isang Raja na kung tawagin ay “pood." “Marami silang ginto, ang Pilipinas ay mayaman sa ginto. Hanggang sa ngayon mayaman sa ginto ang Pilipinas. So, hindi lamang ito ginagamit para sa palamuti sa katawan, ginagamit din ito sa sandata nila, ginagamit ito sa iba pang gamit nila sa bahay," paliwanag ni Direk Mac Alejandre kay entertainment reporter Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kapansin-pansin din sa bahay ng isang Raja ang mga makukulay na kurtina na gawa sa mga de-kalidad na tela na siyang mamahalin noong panahon bago pa dumating sa bansa ang mga mananakop na kastila. Puno rin ng mga inukit na iba’t ibang disenyo ang mga haligi ng bahay, at may mga nakahilerang banga at tapayan sa “pood" na siyang pinaglalagyan ng mga iniimbak na pagkain at inumin na ginagawang alak. Subalit sa kabila ng mataas na katayuan sa lipunan, kapuna-puna na walang trono o upuan na nakalaan sa isang Raja. Sa halip, isang parisukat na mababang entablado na nasa gitna ng “pood," na binalutan ng mamahaling tela at mga unan ang nagsisilbing trono ng isang Raja. Ang mga detalye at posisyon ng mga kagamitan na makikita sa bahay ng isang Raja ay alinsunod sa mga impormasyon na ibinigay ng history consultant ng Amaya. Dagdag ni Direk Mac, ang marangyang bahay ng isang Raja ay lubhang malayo sa simple o payak na tahanan ng mga “ulipon" o alipin, at mga “timawa" o malayang tao. - FRJ, GMA News