Filtered By: Topstories
News

Tamang desisyon ang paglagay ni PNoy kay Roxas sa DOTC, ayon kay Sen Lacson


MANILA – Inihayag ni Sen Panfilo Lacson na tama ang desisyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na ilagay si dating Sen Mar Roxas sa Department of Transportation and Communications (DOTC) dahil naiwasan ang posibleng banggaan ng dalawang paksiyon sa Palasyo. Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ni Lacson na malawak ang karanasan ni Roxas sa pamamahala kaya tiyak umano na kaya nitong gampanan ang anumang tungkulin na ibibigay ng pangulo. "In a way, maganda ring move ‘yan. Kasi ‘di ba whether totoo o hindi ang perception, meron talagang nangyayaring hidwaan sa loob ng Palasyo. So mainam na rin may sariling turf si Mar. At sabi ko nga maski saan siya malagay tiyak mag-excel siya roon," paliwanag ng senador. Si Roxas, dating senador, ay natalong vice presidential candidate ni Aquino nitong nakaraang May 2010 elections. May mga ulat na hindi “dinala" si Roxas ilang tagasuporta ni Aquino, at sa halip ay kinampihan ang katunggali nito na si Vice President Jejomar Binay. Nitong Martes ng tanghali, kinumpirma ni Aquino na si Roxas ang papalit sa babakantihing posisyon ni DOTC Sec Ping De Jesus. Naging biglaan ang pagbibitiw ni De Jesus na epektibo sa katapusan ng Hunyo. Bukod sa pagiging pinuno ng DOTC, sinabi ni Aquino na magiging senior member din ng economic cluster ng Gabinete si Roxas, na siyang ring presidente ng Liberal Party (LP). "Patuloy pa rin ang pagpayo niya sa akin. Marami pa rin akong iu-utos sa kanya... Patuloy niyang sisilipin ang mga butil para makita ang buong kaban ng problema sa bayan," ayon kay Aquino. Una rito, inihayag ni Aquino na magiging "troubleshooter" niya at ilalagay na Chief of Staff si Roxas. Ilang tagamasid sa pulitika ang nagpahayag ng pangamba na pagmulan ito ng higit na matinding hidwaan sa Palasyo dahil aagawin ng puwestong Chief of Staff ang ilang trabaho ni Executive Secretary Paquito “Jojo" Ochoa, na hindi miyembro ng LP, at umano'y kaalyado ni Binay. Kumpiyansa naman ni Lacson na hindi mahihirapan si Roxas kapag sumalang sa Commission on Appointments dahil karaniwang nakapapasa kaagad ang dating miyembro ng Kongreso, maliban na lamang kung may matinding dahilan na tutulan ang pag-upo nito sa puwesto. "Dating senador, usually pagka-kasamahan dito unless compelling ang reason para object-an ang confirmation, normally by acclamation ang ginagawa," paliwanag niya. - FRJ, GMA News