Filtered By: Topstories
News

'VIP' kubol sa bilibid, nabisto ng mga kongresista


MANILA –Nasurpresa ang ilang kongresista nang makita ang ilang enggrandeng “kubol’ o kuwarto ng ilang maperang nakakulong sa National Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City. Bukod dito, may nakita ring mga digital video disc (DVD) pa katulad ng hit TV show sa US na Prison Break. Nagtungo sa NBP nitong Martes ang mga miyembro ng House Committee on Justice sa pangunguna ni Iloilo Rep. Niel Tupas, para imbestigahan ang alegasyon ng VIP treatment sa ilang maimpluwensiya at may perang mga bilanggo. At nang mag-ikot ang mga kongresista, nakita nila ang magagandang kubol na sinasabing tinutulugan ng mga bilanggong Tsino. Mayroon ding kubol na may katabing “playground" para sa bata.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Yung Chinese drug lord, ‘yung kuwarto niya parang hotel. Marami pang salamin. ‘Yung para sa mga Pilipino, nagsisiksikan. There’s even a playground for children beside the kubol," puna ni Muntinlupa Rep Rodolfo Biazon, kasama sa mga bumisita sa NBP. Ayon naman kay Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo, may nakita rin silang mga DVD ng malalaswang pelikula at maging TV series sa US na Prison Break . “Nakita namin na may ganitong CD or DVD ‘yung may hawak ng kubol na ‘yun. Baka naiwan kakamadali sa paglinis," paliwanag ng kongresista. Dahil sa mga natuklasan, inatasan ni Justice Sec Leila De Lima si NBP chief Supt. Ramon Reyes, na buwagin ang mga VIP kubol ng mga maperang bilanggo. Ipinaliwanag naman ni Reyes na hindi kaagad maalis ang mga VIP kubol dahil wala pa silang lugar na paglilipatan ng mga mayayamang preso, na karamihan ay mga Chinese nationals. “Nadatnan na po natin niyan. Before, we got the instructions to demolish the kubols for these Chinese inmates pero hindi pa po natin naililipat kasi hindi pa tapos ang paglilipatan," pahayag ni Reyes sa komite. Naging kontrobersiyal ang pamamahala sa NBP matapos makalabas sa kulungan ng walang kaukulang permiso ang bilanggo na si dating Batangas Gov. Jose Antonio Leviste. Aminado naman si Reyes na nagagawa ng ilang bilanggo na may pera na magpagawa ng sarili kubol na malayo sa ibang bilanggo na nagsisiksikan. “Sa loob ng Bilibid, may double standard… may mga inmates din po tayo na can afford po, may pang-suporta," pahayag niya. Inihayag naman ng komite na magsasagawa rin sila ng ocular inspection sa iba pang kulungan sa bansa matapos makita ang sitwasyon sa NBP. - FRJ, GMA News