Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jennylyn Mercado, masama ang loob sa tunay na ina


Hindi ikinaila ng Kapuso star na si Jennylyn Mercado na masama ang loob niya sa mga naging pahayag ng kanyang tunay na ina, na umano'y hindi talaga naging biktima ng pagmamaltrato noong bata pa ang aktres. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes, kinunan ni showbiz reporter Cata Tibayan ng reaksiyon si Jennylyn tungkol sa naging pahayag ng biological mother niya na hindi raw talaga siya naging battered child. “In the long run hindi naman talaga niya ‘ko tinanggap so, this happened… sa ngayon ang sama sama talaga ng loob ko, ang sakit sakit ng mga ginagawa niya. Hindi ko alam kung bakit niya ginagawa ito," pahayag ni Jennylyn.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Lumabas ang pahayag ng biological mother ni Jennylyn sa isang showbiz talkshow nitong weekend. Naungkat ang usapin sa pagiging battered child ni Jen nang magpaunlak siya ng panayam sa isang magazine. Nalathala noon sa isang tabloid ang larawan at ulat na umano'y sinasaktan ang batang si Jennylyn ng kanyang step-father. Nangyari raw ang pananakit habang ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang kanyang mommy Lydia ang sumaklolo at nagpalaki sa batang si Jennylyn. Ayon sa aktres, noong Enero niya huling nakausap ang kanyang biological mother. Naninirahan na ito sa ibang bansa at may sarili na ring pamilya. Dahil sa kanyang napagdaan, tiniyak ni Jennylyn na hindi ito mararanasan ng kanyang na si Alex Jazz o AJ. Si AJ ay anak niya sa dating nobyo na si Patrick Garcia. Natutuwa daw is Jennylyn sa ginagawang pagsisikap ni Patrick para sa kanilang anak. Ang aktor umano ang sumusundo mismo kay AJ pagkagaling sa eskuwelahan. Idinagdag ni Jen na napag-usapan na rin nila ni Patrick ang tungkol sa pagkakaugnay niya ngayon kay Luis Manzano, ilang buwan matapos silang magkahiwalay ni Dennis Trillo. Ano naman kaya ang naging bilin sa kanya ni Patrick? “Basta daw aalagaan ako… for now wala ‘kong ganyang relationship. Hindi pa ‘ko open for another commitment," paliwanag ng aktres. – FRJimenez, GMA News