Filtered by: Topstories
News
Pilipinas, handa na nga ba sa K+12 ng DepEd?
JESSICA SOHO: Ang ating panauhin ngayong gabi, walang iba kundi ang Secretary ng Education, si Bro. Armin Luistro. Secretary Luistro, nakakabagabag hong makita 'yung mga bata na nakasalampak sa sahig ng mga classroom nila. SEC. LUISTRO: Alam mo, umikot ako at talagang mahirap sa puso ko na tanggapin nga na ganito pa rin 'yung ating mga problema. Kanina pumunta ako 'dun sa ilan sa mga schools. Pero ang medyo maganda naman, marami sa problemang ito nakatutuok lang dun sa mga urban centers. ‘Pag titignan natin ‘yung kalakhan lalo na sa mga probinsya, makikita natin na iba yung sitwasyon. At kanina pumunta ako talaga para tingnan at gumawa ng mga solusyon para dito sa mga natitirang problema sa kinder, elementary at saka high school. JESSICA SOHO: Makatarungan ho ba 'yun, ang mga bata nag-aapat na shifting at hanggang alas sais nasa classroom sila? SEC. LUISTRO: Hindi. Kinausap ko 'yung principal. Kausap ko yung regional director. Gagawa kami ng solusyon sa problemang ito. Alam mo 'yung isang naging hadlang para sa'min ang hindi pagpaplano. Hindi namin napagplanuhan 'yung pagdating ng numbers, 'yung numerong papasok. Nagkaroon kami ng early registration nung January pero siguro kasama ito dun sa kulturang Pilipino, maraming last minute so talagang nahihirapan itong ating mga principal na mag-cope doon sa 'yung first day of class, doon lang magpapalista. JESSICA SOHO: Pero di ho ba kasama dapat yan sa projection ninyo? Kahit ho ba hindi nag early registration, more or less meron naman pong estimate kung ilang bagong pasok sa eskwela meron sa darating na school year, hindi ho ba? SEC. LUISTRO: Actually, yung aming estimate is 1.2 ang nagparehistro. So meron kaming hinahanap na mga 200,000. Ang problema namin, itong 200,000 na ‘to hindi namin alam kung saan sila mag-eenroll. Hindi din namin magamit 'yung population sa isang barangay, for example, lalo na sa NCR. Sa mga probinsya pwede yan. Ang problema sa mga schools natin sa NCR, kahit doon sa ibang mga baranggay, nagpipilit silang pumasok doon sa mga congested schools na. Ito lang 'yung talagang naging problema namin dito sa pagbubukas ng klase ngayon JESSICA SOHO: Naiintindihan po ng marami sa atin na maganda ang layunin ng Kinder to 12 (k+12) na proyekto po ng Deped kasi eh 10 years lang ang basic education sa atin. The world standard is 12 years and we certainly want our standard of education to go higher, di po ba? Gusto natin mas maging competitive yung ating mga graduates. SEC. LUISTRO: Tama yan. JESSICA SOHO: Pero ang tanong ho ngayon, gayong hindi naman po pala ho kayo handa eh bakit pa itinuloy sa taong ito, ang programang ito? SEC. LUISTRO: Ang pangkahalatan sa Pilipinas, handa yung 45,000 schools natin. Siguro sa aking estima, mga 3% lamang nitong 45,000 ang hindi handa at ito talaga’y naka-concentrate doon sa mga nasa urban centers lalong lalo na doon sa mga walk-in na hindi nagparehistro ng maaga. Pero inaamin ko na talagang kailangan pa rin nating solusyunan iyan. Kaya nga as early as today, nakipag-usap na ko sa Quezon City Hall. Kausap ko si Vice Mayor Joy (Belmonte). Meron na kaming isusulong na possible alternative para masolusyunan pa rin ito kahit medyo nabigla 'yung ibang mga schools natin. JESSICA SOHO: Oo kasi Secretary Luistro, mawalang galang na lang ho, bago ho nagkaro'n ng proyektong iyan, meron na talaga tayong matinding mga kakulangan sa halos lahat ng bagay sa ating mga eskwela. Kulang ng silya, kulang ng mesa, kulang ng cr, kulang ng classroom, kulang ng schools, kulang ng teachers, libro, etcetera. Tapos dinagdagan niyo pa nitong k+12 o kinder to 12. Aba’y kahit naman ho siguro hindi expert sa education eh makikita ho talaga na kulang, at lalala yung problema pa natin sa taong ito. SEC. LUISTRO: Alam mo 'yung datos ko, 'yung classrooms natin tama lang sa Pilipinas. In fact, pag pupunta ka sa probinsya mayroon tayong mga classrooms na walang laman, ang dami nating ganyan. Ang nagiging problema nila talaga, marami dun sa ating mga kababayan pumupunta doon sa mga urban centers. Siyempre kasama na diyan 'yung nasa siyudad yung trabaho. So sabi ko nga ito’y amin nang pinag-uusapan sa human development cluster sa gabinete at sabi ko kailangan tayong magplano ng mabuti. Kailangan tayong makipag-usap sa mga local government units. Lalo na, Jessica, pagka may relocation sites. Minsan nagre-relocate tayo, ang dami-daming pamilya eh hindi nakakapag coordinate sa amin so bigla na lang dagsaan 'yung mga magulang natin. So part of this is really better coordination with the different agencies. JESSICA SOHO: But to begin with, klarong-klaro ho sa inyo na kulang ang eskuwela sa mga urban centers? SEC. LUISTRO: Ang problema natin, kahit tayo’y may pondo sa urban centers, alam mo, wala na tayong lupa na pagtatayuan. So ang solusyon na nakikita ko dito, hindi natin maaring gawin 'yung dati na nating ginagawa, 'yung tradisyunal: isang classroom, forty-five na mag-aaral, limang araw sa isang linggo. 'Yung aming pag-uusapan at aking kakausapin lahat ng mga superintendent saka sa principal sa very congested schools sa Metro Manila, mga solusyon na mas innovative. Hindi natin kailangan gamitin 'yung problema ngayon at maghanap lang tayo ng mga band-aid solutions. Ako, ang aking gustong gawin, humanap tayo ng innovation na hindi lamang sasagot sa mga problema ngayon pero gagawin pang mas maganda at de kalidad yung ating educational program at saka quality ng education natin. JESSICA SOHO: Napakasalimuot ho nitong problema, ano ho? SEC. LUISTRO: Pero may nakikita akong liwanag. JESSICA SOHO: Hindi ho kayo nagsisi na tinanggap niyo ‘tong portfolio na ito? SEC. LUISTRO: Paminsan-minsan. Pero sabi ko sa sarili ko, sa totoo lang, no one, not necessarily me, no one is allowed to fail. Kasi kung sasabihin kong suko na ko, hindi ko na kaya ‘to, parang sumusuko na tayo sa Pilipinas. JESSICA SOHO: Eh kasi private school kayo galing eh. Ano ho ba ito, wake-up call sa inyo? You had no idea what you were getting into? SEC. LUISTRO: Nung iniwanan ko 'yung aking pribadong eskuwelahan na berde, eh talagang sabi ko sa sarili ko, nasisiraan na yata ako ng ulo. Pero sabi ko, sayang naman kung walang magtataya. Handa akong tanggapin lahat ng batikos. Pero ang tingin ko dito, meron naman tayong mahahanap na solusyon at ‘pag magtutulungan tayo, kayang-kaya. Magbibigay lang ako ng isang halimbawa, pumunta ako dun sa Batasan, tinanong ko sa principal, ‘ilan ba ang kulang mong silya?’ 1,000 daw. ‘Bakit, saan kami nagkulang? May budget naman tayo para diyan?’ Eh kasi 'yung ating bidding process nagkagulo-gulo. 'Yung principal saka 'yung division superintendent, talagang matagal nang napagplanuhan ‘to. Eh alam mo naman sa gobyerno, 'yung ating byurokrasya talagang ang bagal. It takes three months before you can do anything. Alam mo kung anong ginawa kong solusyon? Sabi ko, ‘magtanong ka, meron bang mga public schools sa tabi na mayroong extra chairs?’ Alam mo, yung pangalawang public school, Payatas C, alam mo nakita namin merong 500 na mga silya na hindi na ginagamit. JESSICA SOHO: So, 500 na lang kulang ng eskwelahan na 'yun? SEC. LUISTRO: Actually nasolusyunan na namin. Meron na kaming one thousand galing sa ibang eskuwela dun sa dibisyon. Ang tingin ko talaga dito, ang problema namin wala kaming database ng inventory. Sabi ko, pero kung magtutulong-tulungan lang tayo, alam mo meron naman tayong mga resources. Hindi lang siya dun sa ideal pero at least for the moment kaya natin siyang tugunan. JESSICA SOHO: Pero Secretary Luistro, magkano ho ba talaga ang kailangan to fully implement itong k+12 program na ito at may pera ho ba kayo? Sa totoo lang? SEC. LUISTRO: Ang pera hindi galing sa akin, galing sa gobyerno. Pero ito lang ang sasabihin ko sa'yo, kung titingan ko 'yung mga tumutulong sa department. Halimbawa, simple na lang kung ang kailangan natin is 100,000 classrooms, i-average lang natin na 800,000 per yung seven by nine (7x9 ) na classroom, kailangan natin 80 billion. Ang laki nun, 80 billion pesos. JESSICA SOHO: Parang ilang percent ho 'yun ng ating budget? One-tenth? SEC. LUISTRO: Ang budget ng Department of Education is 207 billion, 2011. Pero ang malaki dun salaries. Pero alam mo gumagawa kami ng counterpart funding. Kung lahat ng mga LGU’s, provinces, cities, saka municipalities tutulong sa atin, kalahati lang nun. I only have to raise 40 billion. Now, kung umutang ang gobyerno ng pera at gamitin ko 'yung ginagamit na 2011 budget na 9 billion, siguro next year magiging 10 billion for classrooms lang. Kayang-kayang bayaran ng budget ng department 'yung uutangin natin over the next 4, 5 years. JESSICA SOHO: Quickly secretary Luistro, I share the frustration ng mga estudyante kaninang galit na galit dito sa mga miscellaneous fees. Kahit ba tignan mo naman po at first blush… SEC. LUISTRO: Sa CHED yan, sa CHED. JESSICA SOHO: Oo, sa CHED at first blush at first impression pa lang ho makikita mo na talaga na imposible itong mga miscellaneous fees na ito, parang mga inimbento. Ano ho ba ang pwede nilang gawin dito? SEC. LUISTRO: Alam mo ako galing din ako sa pribadong sektor at alam ko na karamihan naman sa ating mga universities at colleges ay ayaw din ng ganito no. Mayroon lang sigurong ibang nag-aabuso at alam ko na pinag-uusapan din ito ng mga pribadong sektor. At siguro 'yung narinig ko kanina na ayaw naman nila, gusto naman nila ng regulation kaya lang kailangan din naman ito ay reasonable. Sa palagay ko nadadaan naman ito sa usapan at saka siguro policing our own ranks dun sa private sector. JESSICA SOHO: Last question na lang po. Dun ho sa mga magulang na nakikinig at nanunuod sa atin, ang kanilang mga anak lalo na yung mga first time na pumasok sa eskwela eh nakasalampak ho sa sahig, nasa pasilyo. Baka magkasakit sa bato yung kanilang mga anak dahil ni wala palang sapat na mga CR itong mga eskwelahan natin. Hindi nila alam kung may teacher na dadating, sira-sira yung mga classroom, 80 students to a classroom at walang bentilador, ano hong maisasagot niyo dun sa mga magulang na yon? SEC. LUISTRO: Ako ho, hindi naman ako magician pero ito pong mga problemang ito ay 3% lamang ng national problem. Ako po, patuloy po akong mag-iikot. Patuloy ko pong i-co-coach yung ating mga principal at sa palagay ko po 'yung pinakamabibigat na problema, kayang-kaya po nating solusyunan kung magtutulungan kami. Hindi ko naman sinasabi na magiging magician ako na kaming lahat ang aako. In fact, marami akong nakita na mahihirap na schools in the remote areas na 'yung nagtutulungan, kagaya nung brigada eskwela namin. Alam mo mahirap pero nasosolusyunan nila. Kayang-kaya ho natin ‘to pero hindi ho lang kami, hindi lang kami sa departmento. Kailangan po tayo magtulungan. JESSICA SOHO: Maraming salamat Secretary Luistro and for your sake and for our sake, we wish you all the luck. Maraming salamat sa ‘yo.
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
More Videos
Most Popular