Filtered By: Topstories
News

Hiling kay PNoy: ‘God fearing’ ang italagang OIC sa ARMM


MANILA – Kasabay ng pagsuporta sa hakbang ng Palasyo na iurong ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), nanawagan ang isang koalisyon ng mga Muslim kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na piliing mabuti ang itatalagang pansamantalang lider sa rehiyon. Sa press conference sa Quezon City nitong Huwebes, pinuri ng Reform ARMM Now (RAN) Coalition, si Aquino at mga lider sa Kongreso sa pagpasa ng batas na ipagpaliban ang halalan sa darating na Agosto, at isabay na lamang sa 2013 elections. Ang grupo ay kinatawan ng iba’t ibang civil society groups na kinabibilangan nina Samira Gutoc, Bangsamoro Solidarity Movement at tagapagsalita ng RAN; Dr. Darwin Rasul, Bangun Tausog-Minority Rights Forum; Lowell Macabangen, ng Mindanao Peace Solidarity at convenor ng RAN; Atty. Anwar Malang, convenor ng RAN at Bangsamoro Lawyers Network; Prof. Norkhalila Mae Mambuay, Youth Geared for Endeavors; at Abdullah Daligdig, Islamic Movement for Electoral Reforms and Good Governance. Walang inindorsong pangalan ang RAN na itatalagang OIC sa ARMM pero nagbigay sila ng ilang katangian na dapat taglay ng manununo sa rehiyon sa loob ng dalawang taon. Kabilang sa inilatag na pamantayan ng RAN sa pipiliing OIC ni Aquino ay, “God-fearing, reform-oriented and against politics of compromise." “This (postponement) will open a 21-month small window for the Aquino government to institutionalize badly needed reforms in a troubled region," ayon kay Gutoc. Pahabol naman ni Malang, “We are going to support the appointees of President Aquino for as long that we are consulted… We want the people in ARMM to participate in the policy reform decision-making process." Sinabi naman ni Rasul na ilang pulitiko na dating tutol na ipagpaliban ang ARMM elections ang naghahabol para makakuha ng posisyon sa rehiyon. Pero hindi niya pinangalanan kung sino ang mga ito. Kasunduan sa Palasyo Sa hiwalay na panayam sa Malacanang nitong Huwebes, sinabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda, na makikipagkasundo kay Aquino ang itatalagang OIC sa ARMM na hindi ito tatakbo sa posisyon bilang gobernador ng rehiyon sa 2013 elections. Ang pahayag ay ginawa ni Lacierda matapos alisin sa inaprubahang panukalang batas na ipagpaliban ang ARMM elections, ang probisyon na hindi maaaring kumandidato sa susunod na halalan sa ARMM ang mga maitatalagang opisyal. “We stand by our commitment that those OICs who will introduce reforms, those OICs who will be heading this ARMM in the next two years will do so with no purpose of enriching themselves or for political ambitions. So klaro tayo doon," aniya. Kabilang sa mga pangalan na lumulutang na kasama sa pinagpipilian na maging OIC sa ARMM ay ang acting governor ng rehiyon na si Ansaruddin Abdul Malik Alonto Adiong, at human rights advocate at dating Anak Mindanaw party-list representative na si Mujiv Hataman. - GMA News