Filtered By: Topstories
News

PNoy dapat daw irekonsidera ang paghirang kay Brillantes sa Comelec


MANILA – Matapos hindi makalusot sa Commission on Appointments (CA), iminungkahi ni Senate Minority Leader Sen Alan Peter Cayetano kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na huwag ng italaga muli si Sixto Brillantes bilang pinuno ng Commission on Election. Sa panayam ng media nitong Huwebes, nagpahayag ng paniniwala si Cayetano na hindi kayang ipatupad ni Brillantes ang reporma sa Comelec dahil hindi nito ginagalaw ang mga opisyal na nasangkot sa “Hello Garci scandal" o dagdag-bawas operation. “Narinig niyo naman mismo yung kanyang (Brillantes) testimony (sa CA) at nalulungkot ako na yung uri ng practice na gusto nilang dalhin sa Comelec ay buhay na buhay pa rin," ayon sa senador. Ang “Hello Garci scandal" ay umano’y dagdag-bawas operation na sinasabing naganap noong 2004 presidential elections at kinasangkutan ni dating Comelec commissioner Virgilio Garcillano. Inakusahan si Garcillano na minaniobra ang resulta ng halalan noong 2004 elections para manalo si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Mariing pinabulaanan ni Garcillano ang naturang mga paratang. Sa pagdinig ng CA nitong Miyerkules, kinuwestiyon ni Cayetano kung bakit nananatili sa puwesto si Comelec regional director Ray Sumalipao na sinasabing konektado kay Garcillano. Paliwanag naman ni Brillantes, plano niyang balasahin ang Comelec ngayong taon bilang paghahanda sana sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). elections. “Although natutuwa naman ako na sabi niya kakausapin niya yung mga commissioners at babaguhin nila ito. So titingnan natin sa Agosto kung babaguhin talaga nila ito," ayon kay Cayetano. Idinagdag niya na kung totoo ang paniwala ni Brillantes na may isang “notorious" commissioner sa loob ng Comelec, o sindikato sa ahensiya, dapat umanong kumilos si Brillanes para linisin at papanagutin ang mga sangkot sa dayaan. “Pangalawa, hindi naman siguro pupuwedeng, ‘kilala ko kayo, ‘wag na kayong umulit.’ Sorry na lang kayo at hindi na kayo gagalawin.’ Kung kilala niya kung sino ang mga operators at sinong gumawa ng mga anomalya, dapat niyang habulin. At kung mayroon talaga na notorious division tulad ng sinabi niya ay dapat naman siguro aksiyunan iyan at ayusin," dagdag ni Cayetano. Naniniwala si Cayetano na magiging hadlang si Brillantes sa layunin ng administrasyong Aquino para sa “tuwid na daan." Ikinalungkot ni Brillantes ang hindi niya pagkakapasa sa CA at umaasa siyang makalulusot na siya sa Agosto para magsilbing regalo sa kanyang kaarawan sa Agosto 14. "I hope that I will be able to be confirmed by that time para maganda-ganda naman ang birthday ko," ayon kay Brillantes sa panayam ng media matapos maisalang sa CA. Sa kabila nito, nauunawaan umano niya ang trabaho ng mga kasapi ng CA na salaing mabuti ang mga itinatalagang opisyal ng pangulo. "It's part of the Constitutional process. (You are an) ad interim appointee, you have to accept the consequences of that ad interim appointment," aniya. "I have to face all of these things. I just have to be patient about it." Bagong naging pinuno ng Comelec, nagsilbing election lawyer si Brillantes at isa sa mga naging kliyente nito ay si dating Supreme Court associate justice Dante Tinga. Tumakbong alkalde sa Taguig City noong May 2010 elections si Tinga pero natalo sa asawa ni Sen Cayetano na si Mayor Lani Cayetano. May nakabinbing electoral protest si Tinga sa Comelec laban sa pagkapanalo ni Mayor Cayetano. -- GMA News