Filtered By: Topstories
News

Ang unang Pilipino


Isa raw sa mga sakit nating mga Pilipino ang tila likas nating inferiority complex. Hindi lang tayo kulang sa height o vertically-challenged. Maliit din ang tingin natin sa ating mga sarili lalu pa kung humaharap sa mga dayuhan. Gayung hindi dapat, dahil noon pa man, pinatunayan na ni Jose Rizal na ang mga Indio, kayang makipagsabayan sa mga mananakop na Kastila. Siya na marahil ang kauna-unahang Pilipinong nagbigay-kahulugan sa salitang world-class. May Pilipino pa kayang sing-talino, sing-galing at sing-makabayan niya?
Jose Rizal, the first Filipino.
Mukhang parehong gumana nang mabuti ang kaniyang left at right brain dahil hindi lang siya doktor at scientist, isa rin siyang artist, linguist, writer at marami pang iba. Renaissance man, experto sa maraming larangan. Pero hindi rin perpekto at may pagka-playboy pa. Dahil sa kaniyang mga sinulat, nabuhay ang nasyonalismo o pagiging makabayan sa puso ng ating mga ninuno. Pinatunayan niyang may kapangyarihan ang pluma o mga salita para makapagsimula ng isang rebolusyon at upang ang mga Indio o natives, mahanap ang lakas ng loob at tapang para magsarili. Kaya nga ba si Rizal ang tinatawag na first Filipino? Dahil bago niya, ang Pilipinas ay watak-watak lamang na mga isla at probinsiya. Wala pa noong namumuong konsepto ng isang bayan o isang nasyon. Napakalaki ng pagkakautang natin kay Rizal. Kaya dapat lang na siya'y ating ipagmalaki at bigyang-parangal sa kaniyang 150th birthday. Minsan may nagsabi, mapalad ang bayang hindi nangangailangan ng bayani. Pero tayong mga Pilipino, napakalaki ng dapat ipagpasalamat na minsan sa ating kasaysayan, may Jose Rizal na nag-ilaw ng ating daan patungo sa iisang bayan. Mula sa State of the Nation, ika-16 ng Hunyo 2011
Tags: joserizal