Filtered By: Topstories
News

‘Pork barrel’ ng mga mambabatas dinagdagan sa road user’s tax


MANILA – Kinumpirma ni Sen. Panfilo Lacson nitong Huwebes na dinagdagan ang pork barrel ng mga mambabatas na magmumula sa Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) o road user's tax. Ayon kay Lacson, inaprubahan ng Road Board, saklaw ng Department of Public Works and Highways, ang pagkakaloob ng tig-P30 milyon para sa mga senador at tig-P10 milyon naman sa mga kongresista. Ang mga mambabatas umano ang tutukoy kung saan lugar nila nais gamitin ang ibinigay na pondo, na nakalaan para sa road at infrastructure projects. Ang pondo mula sa road user’s tax ay hiwalay sa taunang alokasyon ng mga mambabatas na tinatawag na Priority Assistance Development Fund (PDAF). Sa PDAF, may alokasyon ang mga senador ng tig-P200 milyon, at tig-P70 milyon naman ang mga kongresista. Pero nilinaw ni Lacson na walang kinalaman ang pagpasa ng panukalang batas na ipagpaliban ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kaya dinagdagan ang pork barrel ng mga mambabatas. Gayunman, aminado si Lacson na nagulat siya sa dagdag na pondo dahil ngayon lang umano nagbigay ng pondo ang Road Board para sa mga mambabatas. Kahit hindi gumagamit ng kanyang alokasyon sa PDAF, sinabi ni Lacson na gagamitin niya ang pondo mula sa road user’s tax para sa Cavite at Camarines Sur. Ngunit mas makabubuti umano kung idineretso na lamang ng Road Board ang pagkakaloob ng pondo sa mga lokal na opisyal sa halip na ipinadaan pa ito sa mga mambabatas. Samantala, inihayag ni Sen Franklin Drilon, pinuno ng Senate finance committee, na hindi niya batid ang naturang dagdag na pondo. "Labing-tatlong taon na ako sa Senado ni minsan hindi ako nakapag-avail ng anumang tulong mula sa MVUC. Hindi kagaya ng PDAF, hindi dumadaan sa akin ang mga requests bilang chairman ng Finance committee," aniya. "Sa budget, as a matter of coordination, the requests would pass through me, but not the releases under the Road Users Tax." - GMA News