Filtered by: Topstories
News

Problema sa pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa public schools kaya pa raw lutasin


MANILA – Iminungkahi ng isang senador na gamitin ng gobyerno ang Special Education Fund na nalilikom ng mga local government units sa real property tax upang tustusan ang pagpapagawa ng mga bagong silid-aralan. Ang mungkahi ay ginawa ni Senate Minority leader Sen Alan Peter Cayetano dahil sa tila paglubha ng problema tungkol sa pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa elementarya bunga ng inilunsad na K+12 program ng Department of Education (DepEd). Bagamat maganda umano ang layunin ng programa, pinuna ng senador ang kawalan ng paghahanda ng pamahalaan dahil pinalubha nito ang matagal ng problema sa mga pampublikong paaaralan – ang kakulangan ng silid-aralan. “As far as the quality of education, maganda yung programa ng DepEd na K+12 kung tawagin nila. Ang problema, it also creates additional problems. It aggravates the lack of classrooms," ayon kay Cayetano. Nakapaloob sa naturang programa na kailangang magtapos muna sa kindergarten ang bata bago ito matanggap sa grade-one. Bukod pa ito sa plano na dagdagan ng dalawang taon ang basic education sa bansa. Sa patuloy na pagdami ng bata at pagdagdag ng kindergarten sa mga public schools, sinabi ni Cayetano na hindi sasapat ang paglalaan ng P3 bilyon hanggang P7 bilyong pondo para sa malutas ang problema sa kakulangan ng mga silid-aralan. “By appropriating P3 or P5 or P7 billion a year, it seems like it’s solving the problem, but it’s not. It’s only making up for the growth in the population na yung growth sa population natin lalo na kung enrollment, yun lang ang tinutugunan nun. But the problem still the same," aniya. Ipinaliwanag nito na dapat maglaan ang pamahalaan ng karagdagang P11 bilyon bawat taon upang pondohan ang pagpapatayo ng 66,000 bagong silid-aralan sa halagang P500,000 kada kuwarto. “So 66,000 classrooms, computed at P500,000 per classroom just to simplify the math. That’s P33 billion. So why can’t we appropriate P11 billion pesos in the next 3 years. Para sa fourth year ng Aquino administration wala nang classroom shortage," mungkahi niya. Dahil hirap sa pondo ang gobyerno, iminungkahi ni Cayetano na hingan ng tulong ang LGUs, lalo na ang mayayaman, para magamit ang nalilikom na buwis sa real property tax para sa Special Education fund. “Ang nakokolekta for the Special Education fund, which is 1% of the real property tax, lalo sa highly urbanized cities, is around P15 billion a year. Kung magkakaroon lang ng memorandum of agreement ang DepEd at LGUs, kayang utangin yung 1/3 ng P15 billion. That’s already almost half of what we need kung three years mo aatakihin yung problema," paliwanag niya. Umaasa si Cayetano na maipapasok ng pamahalaan ang mga solusyon sa problema ng kakulangan ng silid-aralan sa mga pampublikong paaralan kapag isinumite na sa Kongreso ang panukalang budget ng gobyerno para sa 2012. -- GMA News
LOADING CONTENT