Filtered By: Topstories
News

PNoy ‘di raw nababahala sa pagbaba ng ratings


MANILA – Mas inaalala umano Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang kalagayan ng mga taong nabiktima ng pag-ulan sa lalawigan ng Cotabato kaysa sa muling pagbagsak ng kanyang rating sa Social Weather Station (SWS). Sa pulong balitaan nitong Martes sa Malacanang, sinabi ni Aquino na mas iniisip niya ang pagtulong sa libu-libong tao na naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha sa nabanggit na lalawigan.
“I am not really that concerned with the popularity, it will go up and down," paliwanag ng Punong Ehekutibo. Plano umano ni Aquino na magtungo sa Cotabato sa Miyerkules para personal na makita ang sitwasyon doon. Mula pa noong nakaraang linggo ay kumikilos na rin ang mga kinauukulang ahensiya para magbigay ng ayuda sa mga biktima ng kalamidad. “So mas importante sa amin at the end of the day pwede na namin harapin kahit sino at masabing nagtatrabaho kami at hindi naghahabulan ng pampapogi," pagdiin nito. Bagsak ng limang puntos Sa pinakabagong survey ng SWS tungkol sa pamamahala ni Aquino na sasapit na sa isang taon mula nang manalong pangulo noong May 2010 elections, bumaba sa +46 ang net satisfaction ratings ng pangulo na ginawa nitong Hunyo June 3 – 6. Mas mababa ito sa +51 na nakuha noong Marso 2011. Bagaman nanatili sa 18 percent ang bilang ng mga nagsabing hindi nasisiyahan sa pamamahala ni Aquino, nabawasan naman ng limang porsiyento (64% mula sa 69%), ang mga nasisiyahan sa kanyang pamamahala. Tumaas ng dalawang porsiyento (43% mula sa 41%) ang net satisfaction ratings ni Aquino sa Metro Manila, pero bumaba naman ng pitong porsiyento (41% mula sa 48%) sa nalalabing bahagi ng Luzon. Bumagsak naman ng siyam na porsiyento ang kanyang marka sa Visayas region (51% mula sa dating 60%, samantalang isang puntos itinaas niya sa Mindanao (54% mula sa dating 53%). Sa isang pahayag nitong Martes, binigyan pansin ni Presidential spokesman Edwin Lacierda, ang hindi tumaas ang bilang sa “dissatisfaction" ni Aquino sa buong bansa, na napako sa 18 percent. Idinagdag ni Lacierda na sa lahat ng economic classes (74 percent sa ABC, 63 percent sa D, 66 percent sa E), sa lahat ng rehiyon (60 percent sa Balance Luzon, 62 percent sa NCR, 67 percent sa Visayas, 71 percent sa Mindanao), ang satisfaction rating ni Aquino, batay sa standard ng SWS ay nananatiling "very good." Sa socioeconomic ABC classes at Mindanao, nakakuha pa umano ang administrasyon ng markang "Excellent." "We are not alone in pointing out that satisfaction and dissatisfaction ratings are separate numbers," aniya. "Many in the media have also cautioned against relying on net ratings without dissecting the actual numbers on which net ratings are based. We trust that all who take the time to look at survey figures ponder the specific questions and the responses to each." -- FRJ, GMA News